Naulit ang kasaysayan ng Martial Law sa Pilipinas matapos ang 45 taon ang “My Story” ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., pagbabasehan matapos ang Joint Session ng dalawang Kapulungan ng Kongreso noong Sabado.
Sa My Story ni Pimentel Jr., na ipinost ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, 18 mambabatas ang bumoto ng pabor para sa limang buwang ekstensyon ng Martial Law sa Mindanao noong Sabado.
Kabilang dito sina Sens. Franklin Drilon, Pangilinan, Paolo Benigno Aquino IV, at Risa Hontiveros, Reps. Gary Alejano (Magdalo party-list), Lito Atienza (Buhay party-list), Tedd Baguilat Jr. (Ifugao), Jose Christopher Belmonte (Quezon City), Gabriel Bordado Jr., (Camarines Sur), Arlene Brosas (Gabriela), Ariel Casilao (Anakpawis), France Castro (ACT Teacher), Emmi de Jesus (Gabriela), Sarah Elago (Kabataan), Edcel Lagman (Albay), Antonio Tinio (ACT Teacher), Tom Villarin (Akbayan), at Carlos Zarate (Bayan Muna).
Noong November 1972, o dalawang buwan matapos ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Proclamation 1081 o Martial Law sa buong bansa dahil sa rebelyon, 18 din miyembro ng Constitutional Commission ang bumoto laban 1972 Constitution na idinikta umano ni Macoy.
Kabilang din sa mga ito sina Dakila Castro (Bulacan), Juan T. David (Manila), Ramon Diaz (Camarines Sur), Marcelo Fernan (Cebu), Leon M. Garcia Jr., (Davao), Sedfrey Ordoñez (Nueva Ecija), Pacifico Ortiz (Rizal), Rolando Pitt (Misamis Oriental), Decoroso Rosales (Samar). Jose Santillan (Cavite), Margarito Teves (Negros Oriental), Jose Suarez (Pampanga), Pedro Yap (Cebu) at sina Napoleon Rama (Cebu), Jose Mari Velez (Rizal), Teofisto Guingona Jr., (Rizal) at Alejandro Lichauco (Rizal) na bumoto laban sa 1972 Constitution) habang nasa loob ng kulungan.
So matapos ang 45 taon, hindi nadagdagan ang bilang ng mga lider ng bansa na nakikipaglaban sa martial law kahit karamihan sa mga nakaupo ngayon ay produkto ng rebolusyon kuno noong 1986 na nagpatalsik sa mga Marcos sa Palasyo ng Malacañang.
Pagkalipas ng 45 taon, ganito pa rin ba ang bilang ng mga taong makikipaglaban sa Batas Militar na puwedeng ideklara din ng kung sino mang maging pangulo ng bansa pagkalipas ng 45 taon?
Sana hindi at umaasa ako na dadami pa ang bilang ng mga susunod na lider ng bansa na maninindigan para sa Filipino, 45 taon mula ngayon. ‘Yung bang, hindi lang pagpapatianod sa agos.
Alam kong bahagi ng demokrasya ang majority rule na tinatawag o kung ano ang desisyon ng mas nakakarami ang masusunod pero may mga bagay kasi na kailangang manindigan ang mga mambabatas kung ano ang nararapat at hindi dahil ‘yun ang gusto ng Pangulo o kaya ng kanilang partido.
Ang dalangin lang ng lahat, eh huwag nang lumabas sa Mindanao ang Martial law dahil wala namang Maute at Abu Sayyaf sa Visayas at Luzon. Ang mayroon lang ay New Peoples Army (NPA) pero hindi kasing lupit ng mga teroristang lumusob sa Marawi City.
Pero sana ay matapos ang problema hanggang Disyembre 31 dahil kung hindi baka humingi ng panibagong extension. Nakabakasyon na sa oras na ‘yan ang Kongreso at sino ang pupunta sa special session eh magkakaputukan na dahil sa pagsalubong sa bagong taon?. (dpa_btaguinod@yahoo.com)