Nagbabala kahapon ang isang senador na ipapa-revoke niya ang idineklarang Martial Law sa Mindanao kapag hindi sumipot sa Senado ngayon ang tatlong opisyales ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinatawag ng Senado sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon at Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año upang ilatag sa mga senador ang naging ‘factual basis’ ng Martial Law declaration.
“Inaasahan naman namin na pupunta sila dahil gusto rin nilang maipaliwanag sa Kongreso dahil pupuwede naming i-revoke pagka halimbawa hindi sila magpunta, walang paliwanag na makita ang mga senador eh hihingi kami ng joint session doon sa Lower House para pag-usapan kung ire-revoke ba namin,” paliwanag ni Sen. Panfilo Lacson, chair ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
Ngunit ayon naman kay Sen. Antonio Trillanes IV, kahit sumipot ang tatlong opisyales ay isusulong pa rin niya ang rebokasyon ng Martial Law declaration sa Mindanao.
“Definitely ngayon magpapatawag na ako ng revocation ng Martial Law ng buong Mindanao,” diin ni Trillanes sa isang programa ng himpilang DzBB.
Susuportahan naman ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero ang panawagan ni Trillanes sa revocation ng Martial Law sa Mindanao upang sa gayon ay magkaroon ng joint session ang Kongreso at mapag-usapan ang bagay na ito.
“Kung pormal nilang hinihiling na mag-revoke, sasang-ayon ako na dapat ipatawag iyan, pag-usapan bago pagbotohan, dinggin ang lahat ng panig,” ayon kay Escudero.
Nanindigan na si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na magkakaroon lang ng joint session ang Kongreso kung ire-revoke ang Martial Law declaration ng Pangulo sa Mindanao.
Pero dahil sa nakukuha niyang pulso ng mayorya ng Senado na pabor sa Martial Law upang mapulbos ang sumalakay na Maute Group sa Marawi City, hindi na umano kailangan pang magpatawag ng joint session ng Kongreso.