May kapangyarihan ang Kongreso na lusawin ang idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Ito ang paglilinaw ni Sen. Panfilo Lacson na nagsabi pang walang magagawa si Pangulong Duterte kapag nagdesisyon ang mayorya ng Kongreso na ipawalang bisa ang Martial Law.

Aniya, malinaw sa Konstitusyon na sa sanda­ling ipawalang-bisa ng Kongreso ang proklamasyon ay hindi ito maaaring balewalain ng Pangulo sa halip ito’y ituturing nang pinal.

“Remember when we revoke the proclamation ‘di pwede na i-set aside ng President ‘yan. That becomes final,” ani Lacson.

Bukod dito, ayon pa sa senador, wala ring veto power ang Pangulo kung ipawalang-saysay ng Kongreso sa pamamagitan na rin ng majority vote ang naturang proklamasyon.

“Walang veto power ang President kung i-revoke ng Congress by majority vote ang kanyang proclamation, that’s also clear in the Constitution. Cannot be set aside,” ayon pa kay Lacson.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangang magsumite ang Pangulo ng report sa Kongreso sa loob ng 48 oras ukol sa pagdeklara nito ng Martial Law partikular sa naging basehan nito ng deklarasyon na siyang pag-aaralan ng Kongreso.

Sa pamamagitan ng joint session, pagbobotohan ng mga senador at kongresista kung pagtitibayin o babawiin ang deklarasyon sa pamamagitan din ng majority vote.

6 Responses

  1. malinaw na ang takbo ng pilitika, uubusin lahat ni digong ang kontra sa kanya, maging personal na issue eh tatapusin nya lahat yan… kaya lipad na lahat kayo ng ibang bansa to spare your life from all miseries, it’s the end of the world for juan dela cruz