Martial Law sa Mindanao, hindi babawiin – DND

Tuloy pa rin ang ipinaiiral na Martial Law sa Mindanao kahit napata­y na ang mga lider ng terro­r group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa kabila ng pagkakapatay sa dalawa, hindi pa rin babawiin ng pamahalaan ang ipinatutupad na Batas Militar sa Mindanao.

“Mas tinitignan ngayon­ ng pamahalaan ang ‘aftermath’ ng nagpapatuloy pang giyera sa Marawi City,” pahayag ni Lorenzana.

Ipinunto ni Lorenzana na matapos ang kanilang magiging assessment, saka pa lamang nila malalaman kung dapat nang bawiin ang ipina­tutupad na Martial Law.

Tinukuran naman ni Sen. Juan Miguel Zubir­i ang posisyon ni Lorenzana­ upang maisa­gawa ang rehabilitasyon ng Marawi na sinira ng higit apat na buwang bakbakan ng militar at tero­ristang Maute Group.

“I fully support the continuation of Martial Law in Marawi till December 31 in these areas so that human, materia­l and financial resources­ can be fully utilized and rehabilitation will be achieved at a shorter time, sooner than later,” wika ng dating kongresista ng Bukidnon.

Umaasa naman si Senador Sherwin Gatchalia­n na matatapos na ang ­labanan sa lungsod upang masimulan na ang isa pang malaking pagsubok sa pamahalaan at ito ay ang muling pagtatayo ng Marawi.

Tutol naman si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa pagpapanatili ng Martial Law sa Mindanao­ ngayon na patay na ang mga lider ng Maute Group at Abu Sayyaf Group.

Ayon kay Alejano, dapat maging instrumento ng kapayapaan, katatagan, pagkakaisa at kaunlaran si Pangulong Duterte.

Idineklara ni Pangulong Duterte ang 60-day martial law sa Mindanao­ noong Mayo 23 matapos atakihin ng mga terorista ang Marawi City.

Noong Hulyo, pinalawig naman ng Kongreso ang Martial Law hanggang Disyembre 31, 2017 base na rin sa kahilingan ng Pangulo­.