Naging malaking tagumpay ang reunion concert tour sa Amerika ng estranged couple na sina Martin Nievera at Pops Fernandez. Nagsimula ito nu’ng August 10 at nagtapos nitong September 8, 2019. Ito’y pinamagatang “Two-gether Again 2019.” Naging special guest ng dating mag-asawa ang panganay nilang anak na si Robin Nievera.

Dahil sa big success ng “Two-gether Again 2019,” produced by Susan O. Lim, magkakaroon ito ng repeat concert tour sa Amerika. Ito’y sa darating na December billed as “Two-gether Again Holiday Special 2019”. Kasama rin nila ang anak na si Robin plus another surprise guest.

Humihirit naman ang mga fan nina Pops at Martin for a major concert ng dalawa either sa Big Dome (Araneta Coliseum) or MOA Arena. Sana raw sometime in February next year.

Rocco wala pang balak pakasalan ang dyowa

Excited na ang Kapuso actor na si Rocco Nacino na makalipat sa kanyang bagong ipinagagawang bahay sa Antipolo City. Maituturing itong katas ng kanyang pagiging isang aktor.

Since nasa finishing touches na ang bahay ni Rocco, unti-unti na rin siyang namimili ng mga kagamitan ng bahay na gusto sana niyang lipatan bago magtapos ang taong kasalukuyan.

Wala pa rin sa immediate plans ng aktor ang pagpu-propose sa kanyang volleyball player girlfriend na si Melissa Gohing. Pareho pa umano silang busy ngayon sa kanilang respective career.

Maja, Ipe papalabasin sa kulungan si Deborah?

Ang buong akala ng marami ay tuluyan nang nagbago ang veteran actress na si Deborah Sun, half-sister ng aktres na si Jobelle Salvador at anak ng namayapang actor-director na si Leroy Salvador, Jr. at Corazon ‘Baby’ Porcuna.

Droga ang dahilan kung bakit siya lumipad patungong Amerika nu’ng 1989. Tinakasan din niya ang estafa case na isinampa sa kanya ng dating kaibigan na si Lorna Tolentino. May kinalaman ito sa mga alahas na kinuha niya at hindi binayaran.

Sa maraming taon ay namirmihan siya sa New York City, USA. Pagkaraan ng 15 taon ay nagdesisyon siyang bumalik ng Pilipinas. Sa airport pa lamang ay agad siyang hinuli at ikinulong in 2004. Pero siya’y nabigyan ng conditional pardon the following year, 2005 at doon siya nangako ng tuloy-tuloy na pagbabago.

Droga rin ang naging dahilan kung bakit nakulong sa San Juan ang panganay niyang anak na si Gelanie. Ngayon ay nakakulong si Deborah kasama ang kanyang youngest daughter na si Angela dahil sa droga matapos silang mahuli kasama ng dalawang iba pa sa condo unit ng kanilang tinutuluyan ng magkasanib-puwersa ng Quezon City Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Tulungan kaya si Deborah ng kanyang mga kamag-anak sa showbiz na sina Phillip Salvador, half-sibling na si Jobelle at pinsan na si Maja Salvador?

Ang pangalawang anak ni Deborah ay dating aktor na si Jam Melendez na half-brother ni Aiko Melendez.