Bilyong piso na ang nalulugi sa turismo ng bansa dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) resulta ng pinaiiral na travel ban sa iba’t ibang bansa.
Kung magtatagal pa ang COVID-19 scare, hindi lang kita ng ating bansa ang maaapektuhan kundi magreresulta rin ito ng pagkawala ng trabaho ng ilan nating mga kababayan.
May 300 empleyado ng Philippine Airlines ang na-layoff na dahil sa pagkalugi ng ating flag carrier sa sunod-sunod na mga flight cancellation.
Pinangangambahan na marami pang mga kompanya ang susunod habang patuloy ang pagdami ng mga bansa na naaapektuhan na ng COVID-19.
Nirekomenda ni Senador Sonny Angara sa Department of Labor and Employment na magpatupad na ng survey kung ilang kompanya o sektor ang nag-layoff na ng kanilang mga manggagawa dahil sa work slowdown.
Ayon kay Angara, bukod sa pag-contain sa virus, dapat mapigilan din ng gobyerno ang pagkawala ng trabaho ng ating mga kababayan dahil sa epekto ng COVID-19.
Kung marami ang natatakot na mag-travel abroad dahil sa COVID-19, ito ang tamang panahon para palakasin naman ng Department of Tourism (DOT) ang ating lokal na turismo.
Halos summer season na, malapit na rin ang school vacation at Holy Week, ito ang pagkakataon na ipaalala ng DOT sa ating mga kababayan na magbakasyon sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas kaysa mag-abroad.
Kunin din ng DOT ang pagkakataon para makipag-coordinate sa Malacañang matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya mismo ang mag-iikot sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas para palakasin ang turismo natin.
Gawan din ng paraan ng DOT na maibaba ang local fare at resort/hotel rate para mahikayat na mag-travel at magbakasyon ang ating mga kababayan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Kung may negatibong epekto man ang COVID-19, pagkakataon naman ito para mag-concentrate ang gobyerno para palakasin ang ating turismo.