Ayon kay Pope Francis, ang Ebanghelyo ngayong Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon (Lc 20:27-38) ay paanyaya upang pagnilayan ang misteryo ng muling pagkabuhay. Sa paghaharap ni Hesus at mga Sadduseo itinuwid ng Panginoon ang kamalian sa pag-aakalang pagbabalik lang sa dating pag-iral ang kamatayan at hindi basta naglaho nang ganun na lamang ang mga Patriarka gaya ng paniniwala ng aristokrasya sa panahong iyon.
Turo ng mga Sadduseo na tutol sa muling pagkabuhay, “earthly life is all there is!” Dahil sa tinamasang kaginhawahan, ang mga Sadduseo na miyembro ng ‘upper class’ ng lipunan ay naniniwala na ang tanging mahalaga ay ang magpakasaya sa buhay. Gayunman, alam natin na hindi ganito ang tunay na kalagayan ng tao sa mundo! Turo ng Simbahan, “our life here on earth is filled with the ups and downs,” katulad ng kay Kristo.
Sa kanyang pagtutuwid sa mga ‘elite’ na Sadduseo, tiniyak ni Hesus na may pagkabuhay ang mga patay at inanyayahan ang tanan na ituon ang sarili sa kabilang-buhay at buhay na walang hanggan. Inilarawan ni Kristo ang ‘langit’ bilang lugar kung saan wala nang kamatayan at kung saan may buhay “katulad ng mga anghel”. Sa darating na pahanon aniya, ang mga ‘pinangindapat’ na Anak ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman!
Inilahad ng Panginoon ang Kanyang kalooban na matamo ng lahat ang buhay na walang katapusan sa ilalim ng pangangalaga ng Ama. Turo ng Simbahan, “Jesus desires to share with us the fullness of the risen life he has won for us.
All who believe in the resurrection therefore are challenged to persevere in their communion with God through every trial in this life, confident that he will bring us to enjoy the fullness of life forever in the next.”
Samakatuwid, sa ating patuloy na paglalakbay sa landas ng buhay, hinihimok tayo ng Panginoon, “to fix our eyes on heaven and to remain in Him.” Binigyang diin ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Diyos ay palaging nasa ating tabi at palaging buháy!
Habang patuloy ang ating pag-asa sa muling pagkabuhay, sinisikap nating manatiling tapat sa Panginoon at mabuhay nang may malalim at personal na kaugnayan sa Kanya.
Binigyang diin sa huli ni Hesus na hindi nga naging madali ang buhay ng mga Patriarka.
Gayunman, nanatili silang totoo sa Diyos na nagbigay sa kanila ng gantimpalang manatiling buhay sa Kanyang piling. Sa pagbanggit sa mga Patriarka kaugnay sa Kanyang turo tungkol sa muling pagkabuhay, inaanyayahan ni Hesus ang tanan na buong tapang na harapin ang mga pagsubok sa buhay at magmasigasig sa katapatan.
Sa gitna ng mga tukso at pagkasiphayo, mananatili tayong matalik na kaibigan ng Diyos na nagbibigay ng “walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa” (2 Tes 2:16). Dahil sa walang maliw na pag-ibig ng Diyos sa atin, tiwala tayo na matitiis natin ang lahat ng hirap at pasakit sa mundo, buo ang pananampalataya na mas ganap na buhay ang naghihintay sa atin sa kabila. Hilingin natin sa Mahal na Birhen na tayo’y ipanalanging mamalaging buo ang tiwala sa grasya ng Diyos at tapat sa landas ng kabanalan.