Ang dati nang kalbaryo sa trapik na dinaranas ng mga motorista sa mga pangunahing lansangan lalo na sa EDSA ay mas lalo pang pinagrabe ng walang humpay na buhos ng ulan.
Dahil sa mga pagbaha dulot ng monsoon rain ay halos wala nang galawan ang mga behikulo maging sa mga secondary roads.
Sa ating palagay ay dapat na ring bigyan ng ‘emergency power ng pasensiya’ ang ating mga motorista at commuters sa ganitong mga situwasyon.
Malaki sana ang maitutulong sa paglutas sa problema sa trapik ng gobyernong kung pakikinggan at ipatutupad ang matagal nang panukala ni Orlando ‘Ka Lando’ Marquez, National President ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Inc.
Kabilang sa kanyang proposals ang pagbalangkas ng mga policy base sa kailangan ng drivers, pedestrian at commuters. Pagsubok at paggamit ng makabagong teknolohiya na makatutulong sa pag-unlad ng sistema sa transportasyon.
Pangunahin din ang pagbuo ng tamang educational system para maikintal sa isip sa mga motorista ang disiplina sa lansangan.
Nanawagan din si Ka Lando Marquez kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra na makipag-usap sa kanila tungkol sa isyu ng pagbabawal sa mga UV Express sa EDSA.
Ayon kay Ka Lando, walang public consultation ang pagbabawal ng mga UV Express sa EDSA. Hindi rin, aniya, nabigyan ng abiso ang mga pasahero na wala na silang masasakyang UV Express sa EDSA.
Sinabi ni Marquez na naaawa sila sa mga commuters na walang masakyan at naghahanap ng mga UV Express sa EDSA.
Dapat ding ayusin muna ang ating mass transport system bago natin maobliga ang mga may-ari ng pribadong sasakyan na huwag na nilang gamitin ang kanilang mga kotse sa halip ay sumakay na lamang sa MRT, bus at UV Express.
Nararapat ding pag-aralan itong mabuti kasi parang inalisan na rin po natin ng karapatan iyong mga may sasakyan na bumiyahe sa lansangan. Marami talagang tututol dito dahil bulok pa talaga ang ating mass transit system.
Dahil mas mabilis ang pagbili ng mga sasakyan kaysa sa paggawa ng mga bagong lansangan. Ang paggawa ng bagong mga kalsada o pagpapalapad ng mga dati nang daan ay hindi nakakabawas sa tindi ng pagsisikip ng trapiko sa panahon ng rush hours.
Dahilan din ng pagsisikip ng trapiko ang kawalan ng sapat na paradahan. Anumang oras, maraming kotse ang maaaring nagpapaikut-ikot sa mga kalsada sa lungsod para lamang makakita ng parking slot.