Mas kumbinyenteng gift-giving sa mga senior

Nakakatuwang makita kung paano inaalagaan ng dumaraming local government units ang mga nakakatandang constituent nila.

Ramdam na ramdam ang pagiging espesyal ng mga seniors. Kaya mga hindi nakakapagtaka na excited sumampa sa edad 60 ang maramimg Pinoy.

Maliban sa pambansang mga batas na nagbibigay ng malaking diskuwento at tax exemption, mayroon ding VIP treatment at special lanes o accommodation kahit saan basta may ipapakita lamang na senior ID.

Tuwing Pasko, lalong damang-dama ng mga lolo at lola ang pagiging espesyal nila. Kaliwa’t kanan ang mga aginaldo.

Isa sa lokal na pamahalaan na sobrang maalaga sa matatanda ay ang Makati City. Napakaraming benepisyo ang mga senior citizens ng lungsod.

Ngayon ay dumami pa ang mga lungsod sa Metro Manila at maging ang ilang mauunlad na probinsya at siyudad sa iba pang sulok ng Pilipinas ang may espesyal na pangangalaga sa mga lolo’t lola.

Pagpasok ng Disyembre, isa sa inaabangan ay ang pamaskong handog ng mga gobernador, mayor at barangay official sa mga senior.

Hindi mababayaran ang ngiti sa labi ng mga lolo’t lola sa natatanggap nilang mga regalo.

Isa lang ang inaangal ng marami: ang mahabang pila sa pagkuha ng regalo na kailangang personal na kunin ng matanda.

Sana ay lagyan naman ng kumbinyenteng sistema.

Mas maganda kung gagawing 3 araw ang gift-giving sa matatanda para sa mas maiksing pila.

Hatiin halimbawa sa 3 batch ang mga senior depende sa unang letra ng kanilang apelyido.

Bigyan talaga sila ng schedule kung kelan sila kukuha ng regalo.