Mas maayos at ligtas na biyahe

Dear Editor,
Isa po akong karaniwang commuter dito sa Metro Manila.

At sa tinagal-tagal ko na pong sumasakay sa mga pampubliko nating sasakyan alam ko na rin po ang halos lahat ng aberyang nangyayari sa mga ito.

Sa loob ng panahong ito kakaunti o halos walang nangyari upang mapabuti o maisaayos ito.

Partikular po sa LRT/MRT na kabi-kabila ang mga aberya. Nitong nakaraan lamang ginimbal ng balita ang mga commuter na tulad ko dahil sa banggaan ng dalawang tren ng LRT line 2 at ang pagliyab ng tren sa LRT line 1.

Bilang isang commuter nakatatakot ito ngunit wala rin namang magagawa kundi tangkilikin ang mga ito dahil mas makatitipid sa oras at pera.

Kung kaya sana naman maaksyunan na ito agad ng kinauukulan upang mas maging konbinyente ang pagbiyahe ng mga katulad ko.

Kinikilala naman natin ang mga iilang pagbabago sa LRT/MRT ngunit napakarami pang kailangang ayusin upang magkaroon ng maginhawa at ligtas na biyahe ang mga katulad kong commuter.

Paigtingin pa sana ng kinauukulan ang pag-a-upgrade sa ating public mass transportation.

Andres B. ng Caloocan