Dalawang panukalang batas na may kinalaman sa pagdaraos ng halalan ang inihain ng isang kongresista.
Una ay ang House Bill 8371 kung saan isinusulong ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga flying voter.
Nakasaad sa HB 8371 na pagmumultahin ng P100,000 hanggang isang milyong piso at makukulong ng anim na taon hanggang 12 taon ang matitiklong flying voter.
“These illegal practices have long been causing inaccurate and false reflection of who the people want to represent or lead them. We’re always going to hear about cases of voter fraud, but I believe that there is hope for our integrity as a nation,” pahayag ni Barbers.
Samantala, pakay naman ng House Bill 8372 na mula sa kasalukuyang 120 araw ay gawing isang taon na ang registration period ng mga boboto.
Sa ganitong paraan ay mabibigyan aniya ng sapat na panahon ang Commission on Elections (Comelec) para masuri kung lehitimo ang impormasyon na ibinibigay ng mga botante at magkakaroon din ng tsansa ang poll body na linisin ang voters list.
“It’s about time we ensure the veracity and efficiency of our voting processes… and thru these legislations, I hope honest and clean politics will soon prevail,” ayon pa kay Barbers.