Ipinalulusaw ni Communications Secretary Martin Andanar ang isang tanggapan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Sa ilalim ng Office Order No. 26 na nilagdaan ni Andanar noong Mayo 30 ay iniatas ng kalihim ang pagbuwag sa Strategic Communications Office (SCO) na dating Presidential Communications Development and Strategic Planning Office.
Sinasabing ang pagbuwag sa SCO ay bahagi ng reorganisasyon ng PCOO.
Dahil sa ginawang paglusaw ay may 13 kawani ng SCO ang ililipat sa OSEC-Media na nasa ilalim ng direktang superbisyon ng PCOO Secretary habang ang pito naman ay ilalagay sa tanggapan ni PCOO Assistant Secretary Kissinger Reyes.
Paliwanag pa ng opisyal na kinakailangang ilipat ang mga tauhan mula sa SCO para mas maging maayos ang pagpapatupad sa mga programa ng PCOO.
Kinakailangan aniyang maasistehan ang iba pang tanggapan na nasa ilalim ng PCOO.
Ilan sa mga inilunsad na programa na pinamahalaan ng PCOO ay ang DuterteNOMiCs, Real Numbers, Extremism & Martial Law at marami pang mga aktibidad na nangangailangan ng mas maraming tauhan na makakatuwang upang matagumpay na maiimplementa.
Kasabay ng nasabing impormasyon ay napag-alaman ding walang pagsibak na ipinatupad sa mga tauhan ng binuwag na tanggapan kaya lalong wala raw katotohanan ang alegasyong may 40 tauhang nawalan ng trabaho dahil sa ginawang paglusaw sa SCO.
Ang sa akin, higit kaninuman ay ang pinuno ng tanggapan ang nakakaalam sa kung ano ang nararapat gawin sa kanyang mga tauhan.
At kung may sinibak nga dahil sa paglusaw sa SCO ay hindi na dapat pang maging isyu lalo na kung mabibigyan naman ng nararapat na benepisyo ang mga tinanggal na tauhan.
Ang mahirap ay kung pinagsisibak ang mga ito nang walang napala na imposibleng mangyari dahil mga empleyado sila ng gobyerno kaya kahit sibakin man sila ay may karampatan silang benepisyong matatanggap.
Kaya dapat ay hindi na ito ginagawang malaking isyu, lalo na’t napakaraming mga aktibidad na pamamahalaan ng PCOO na nangangailangan ng malaking puwersa para matagumpay na maisakatuparan ang mga programang ito ng gobyerno na tanging ang PCOO ang may kakayahang mangasiwa.
Kumbaga ay bigyan natin ng kalayaan ang mga pinuno ng gobyerno na magdesisyon lalo na kung maghahatid naman ito ng mas malaking kapakinabangan sa taumbayan.