Mas mahal pa kay Fulgoso at Scooby Doo?

For The Record ny Boyet Jadulco

Matagal nang itinutulak ng ilang senador na kabitan ng camera ang patrol car at ang katawan ng mga pulis upang sa gayon ay mai-record ang kanilang mga operasyon, lalo na ang madugong anti-illegal drugs operation. Atubili ang Philippine National Police (PNP) dito dahil sa wala daw silang pondo para dito.

Sa tantiya ng US Department of Homeland Security, susuka ang Pilipinas ng P6,000 hanggang sa P57,000 sa bawat unit ng police body camera. Hiwalay na gastos pa ang pagmamantine ng file kung saan higit kumulang sa P10,000 ang gastos sa bawat unit kada taon.

Pero ano itong isiniwalat ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto? Naglabas daw ang Department of Budget and Management (DBM ng halagang P 1.9 bilyon sa Philippine National Police (PNP) upang ipambili ng kanilang kagamitan. Hinugot ang pondo mula sa P 5.6 bilyon na alokasyon sa police modernization fund ng 2017 national budget.

Kasama daw sa bibilhin ng PNP ay 48 bomb-sniffing dogs sa kabuuang halagang P 24.56 milyon. Ibig sabihin nito, bawat isang aso, nagkakahalaga ng P 511,672. Aba’y napakamahal pala niyang asong iyan na ang trabaho ay suminghot kung may bomba sa mga bagahe.

Kung katulad siguro ito ng asong si Fulgoso, aba’y maraming magkakandarapang bumili ng ganitong klaseng aso lalo na kung kasama si Thalia aka Marimar o kaya ay ang local version na lang na si Megan Young.

Kahit nga si Recto, nagtatanong din kung kaparehas ni “Scooby Doo” ang abilidad ng mga asong bibilhin ng PNP. “I am not yet ready to pass value judgement on that purchase but a half-million-peso dog should be as good as Scooby Doo.” ani Recto.

Ang punto ni Recto, may pera naman pala ang PNP, bakit hindi na lang unahin ang pagbili ng body cam. “Yang P24 million na ‘yan, pwede nang ibili ng tig-P10,000 na body cam for 24,000 police officers. Or if 1 body cam will be used two shifts a day, for 48,000 policemen,” ayon sa senador.

Alam ng maraming Pinoy na kaya ayaw bumili ng PNP ng body cam ay mabubulilyaso ang war on drugs ng administrasyong Duterte. Makikita kasi sa camera na hindi nanlaban ang mga taong sinasabi ng mga pulis na nanlaban kung kaya’t pinaputukan nila.

Kaya siguro napakamahal ng asong bibilhin ng PNP, tinuruan din itong kumagat at lumapa ng taong ‘nanlaban’ sa Oplan Tokhang ng pulisya. LOL !

***

Mukhang madadamay pa ang mga reporter sa word war sa pagitan nina Sen. Richard Gordon at Antonio Trillanes IV. Nag-imbita kasi sa isang dinner itong si Trillanes sa Senate media noong Huwebes. Nabalitaan ito ni Gordon at nagpadala ng deep penetration agent sa lugar na pinagdausan ng dinner sa Pasay City.

Kilalang isnabera ang staff ni Gordon pero biglang naging pala-kaibigan nang mag-gate crash sa dinner ni Trillanes. Ang bali-balita, kinunan pa niya ng litrato ang okasyon. Ano yun? Para idokumento at ibala laban kay Trillanes?

Anuman ang balak ng senador, kung mayroon man, huwag na niyang ituloy dahil lalo lang magagalit sa kanya ang media.