Mas mainit na panahon paghandaan – PAGASA

Mas matinding init pa ang mararanasan sa mga susunud na araw kaya ibayong pag-iingat ang dapat na gawin ng bawat isa.

Ito ang muling paalala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA ) matapos makapagtala muli ng 34.2 degrees celsius na temperatura noong araw ng Sabado.

Inaasahan ng PAGASA na tataas pa ito lalo at ang peak season ng dry season ay sa buwan ng Mayo.

Ayon kay weather forecaster Ana Clauren na ang pinakamataas na heat index sa nakalipas na Linggo ay noong Miyerkules na naitala sa 42 degrees celsius.

Ang heat index mula 41 degrees hanggang 54 degrees celsius ay tinuturing na mapanganib dahil maaari itong magresulta sa heat cramps at heat exhaustion.

Maari naman magdulot ng heatstroke kung mayroong matinding physical activity habang mataas ang heat index o init factor.

Ipinaliwanag ng PAGASA na karaniwang tumataas ng 8 degree celsius ang init factor sa katawan ng tao kung malalantad sa init ng araw. (Tina Mendoza)