Isa na namang panibagong bagyo na mas malakas pa sa bagyong Urduja ang inaasahang papasok ng bansa ngayong linggo.

Base sa ulat na ipi­narating ng Philippine­ Atmospheric­ Geophysical­ and Astronomical Service Administarion (PAGASA) sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ang pa­nibagong bagyo ay tatawaging ‘Vinta’.

Inaasahang papasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Vinta sa Miyerkoles, Disyembre 20 .

Sa kasalukuyan ay nasa 1000 kilometro pa ang layo ni Vinta at inaasahang tatahakin ang southern part ng bansa at posibleng maapektuhan pa rin ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Urduja bagama’t hindi naman ito direktang tatamaan.

Ayon kay Romina Marasigan, tapagsa­lita ng NDRRMC, ang bagyong Vinta ay inaasahang mas malakas kaysa kay Urduja kaya pinaghahanda na nila ang iba’t ibang cluster nila para makasiguro na sapat ang kanilang mga tauhan sa sanda­ling manalasa ang paparating na bagyo.

Pinayuhan naman­ ni Marasigan ang mga nagpa-planong umuwi sa kanilang mga lalawigan ngayong­ papasok na linggo na maging maaga at mag-ingat para hindi na sila maabutan ng bagyo dahil posibleng ma-stranded sila sa mga lansangan at malagay sa peligro ang kanilang buhay.

Sa pinakahuling­ ulat naman ng NDRRMC, 26 katao ang kumpirmadong patay at 26 ang nawawala dahil sa landslide dulot ng bagyong Urduja sa Lalawigan ng Biliran.

May mga naiulat na rin na pagtaob ng bangka at iba’t ibang vehicular accidents dahil sa patuloy na pag ulan sa kabisayaan.

Nawalan na rin ng kuryente sa mga munisipalidad sa Sorsogon, pito sa Cebu, dalawa sa Leyte, lima sa Southern Leyte, siyam sa Eastern Samar at Northern Samar at buong lalawing ng Biliran.