Mas marami na gumagaling kesa namatay sa COVID

Mas marami na ang mga nakarekober sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 kumpara sa naitalang bilang ng mga nasawi sa sakit na ito hanggang alas-kuwatro ng hapon nitong Biyernes.

Base sa COVID-19 Case Bulletin #034 ng Department of Health (DOH), nadagdagan ng panibagong 218 kaso ang mga nagpositibo sa coronavirus sa bansa at nasa 5,878 na ang kabuuang bilang nito.

Mayroong 52 nadagdag sa bilang ng mga nakarekober sa sakit at mula sa kabuuang bilang na 435 kamakalawa ay naging 487 na ito.

Nakapagtala naman ng karagdagang 25 katao na nasawi sa COVID-19 kaya umabot na sa 387 ang mga pumanaw sa coronavirus. (Juliet de Loza-Cudia)