Sa gitna ng krisis na pinagdaraanan ng gobyerno dahil sa kaguluhan sa Marawi City na sinalakay ng teroristang grupong Maute ay nagkaroon pa ng tsansa ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na batikusin ito.

Bakit ito nangyari? Ito ay dahil sa pagbibiro na namang ginawa ni Pangulong Duterte sa harapan ng mga sundalo sa Iligan City nang dalawin sa kasagsagan ng kaguluhan.

Naging kontrobersyal kasi ang binitiwang rape joke ng Pangulo habang tila pinalalakas ang loob ng mga sundalong sasabak sa giyera kontra sa Maute.

Parang isang amang handang harapin ang lahat ng balang itatanim sa katawan ng anak ang naging drama ng Pa­ngulo noong mga oras na nagtatalumpati ito sa harapan ng mga sundalo sa Iligan City.

Kaya naman sa sob­rang proteksyong gustong ibigay sa mga sun­dalong ibabala sa giyera ay kahit nagpahayag ang Punong Ehe­kutibo na handang niyang pagdusahan anumang kasalanang magawa ng mga sundalo.

Bagay na kahanga-hanga sa isang lider o sa isang ama kung ituring ng mga sundalo.

Pero bilang isang ama, alam nating may limitasyon dapat ang pagsalo nito sa salto ng kanyang mga anak.

Kumbaga mga katanggap-tanggap lamang dapat na asunto at hindi kasama ang pangre-rape na alam nama nating biro lamang ito sa panig ng Pangulo.

Kaya nga lamang sadyang buhay na buhay sa mga panahong ito ang mga kritiko ng gobyerno na walang ginawa kundi silipin ang bawat pagkakamali ng ating Pangulo.

Kaya sana ay magsilbing panggising sa ating Pangulo ang ganitong mga pagkakataon dahil nakakapanghinayang ang sobrang pagsasakripisyong kanyang ginagawa para sa bayan dahil sa ilang wala sa lugar na pagbibiro.

Sa katunayan ang appointee at masugid nitong supporter na si National Youth Commission chair Aiza Seguerra ay umaray sa nasabing biro ng Pangulo at siya mismo ay nakiusap sa Pangulo na tigilan na ang rape jokes.

Kaya sana last na ang rape joke na ito dahil nagpipiyesta lamang ang mga kritiko dahil wala silang makitang salto ng Pangulo kaya kahit ganitong mga biro ay pinalalaki.