Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na mas marami ang naaresto kumpara sa bilang ng mga namatay mula nang ilunsad ang pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga sa bansa.

Reaksyon ito ni Albayalde sa report ng Amnesty International (AI) kung saan umabot na umano sa ‘threshold of crimes against humanity’ ang bilang ng mga nagaganap na patayan sa Pilipinas kaugnay ng kampanya kontra droga.

“From July 2016 to date, we have arrested a total of 240,565 drug persona­lities and cleared over 12,000 barangays of illegal drug trafficking and abuse,” pahayag ni Albayalde.

Tiniyak din nito na hindi sila titi­gil hangga’t hindi natutupad ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging drug-free ang Pilipinas.

Sinabi pa ni Albayalde na posibleng politika ang nasa likod ng alegasyon ng AI at naghahanap lang ng butas ang London-based human rights organization para mabatikos ang kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Hinggil sa sinabi ng AI na naging ‘killing fields’ na ang lalawigan ng Bulacan o ‘epicenter’ ng mga extrajudicial killing, sinabi ni Albayalde na ‘stereotype’ lang ang Bulacan at hindi lang sa nasabing lalawigan may namamatay na mga suspek sa droga dahil sa pakikipaglaban sa mga pulis.

Dagdag pa ng PNP chief na mayroong criminal justice system ang bansa at hindi naman napatunayan ang mga alegasyon hinggil sa mga extrajudicial killing.

Hindi aniya tinitingnan ng mga kritiko ang magandang epekto ng kampanya kontra droga lalo na sa peace and order situation ng bansa. (Edwin Balasa)