Mas matinding pinsala ng COVID-19 pinaghahandaan ng gobyerno

Hindi binabalewala ng MalacaƱang ang babala ng World Health Organization (WHO) na may mas matinding pinsala pang darating mula sa coronavirus disease 2019 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sang-ayon sila sa paniniwala ng WHO na ang matinding pananalanta ng virus ay mahirap maunawaan dahil hanggang ngayon ay wala pang nakakatuklas kung paano ito malabanan.

“We take seriously the remarks of World Health Organization Director General Tedros Adhanim Ghebreyesus that the “worst of the coronavirus 2019 is yet to come,” ani Roque.

Ito aniya ang dahilan kaya kumukunsulta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga eksperto kung paano matugunan ang krisis sa COVID-19 na kinakaharap ng bansa.

Sa katunayan ani Roque, isinantabi ng Pangulo ang pulitika at nakipagpulong sa mga dating kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan para makuha ang kanilang pananaw kung paano maharap ang problema sa COVID-19.

Kabilang sa mga inimbitahan ng Pangulo nitong Lunes ay si dating Health secretary Janet Garin na hindi kaalyado ng administrasyon at identified sa nakalipas na administrasyon.

Tiniyak ni Roque na pag-aaralang mabuti ng gobyerno ang gagawing desisyong para matiyak ang kaligtasan ng sambayan sa mapaminsalang COVID-19.

“The decision will be carefully studied as lives of the people and the nation are at a stake,” dagdag ni Roque.(Aileen Taliping)