Mas ok ang batas sa kontraktuwalisasyon

Broadcaster's view-ely-saludar

Mas magiging matibay para sa kapakanan ng mga manggagawa sa bansa kung isang batas ang mapagtitibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso laban sa kontraktuwalisasyon sa bansa.

Ito ay kaugnay ng desisyon ni Pangulong Duterte na huwag nang maglabas pa ng isang executive order sa halip ay pabilisin na ang pagsasabatas laban sa kontraktuwalisasyon na umiiral sa bansa.

Pero makabubu­ting agad nang ilabas ng Malacañang ang kasulatan na sinisertipikahan ng Pangulo ang nasabing panukalang batas.

Alam naman ng lahat na kung ang isang panukalang batas ay sertipikadong urgent bill ay mabilis ang pag-usad nito upang mapagtibay bilang ganap na batas.

Sa kasalukuyang batas sa paggawa kung tutuusin ay mayroon na ring proteksiyon ang mga manggagawa sa bansa pero hindi naman ito mahigpit na naipatutupad.

Sa kasalukuyan ay marami pa ring manggagawa ang hindi sumasahod ng minimum wage na labag sa itinatadhana ng labor law.

Samantala ay makabubuting una­wain ng mga sektor ng paggawa ang hakbang ng Malacañang na batas na aprubado ng kongre­so kumpara sa exe­cutive order.

Sa kabilang banda ay dapat ma­ging maingat ang mga mambabatas sa pag-apruba ng batas laban sa kontraktuwalisasyon dahil dapat ay malinaw at hindi it mapapaikutan ng mga mapagsamantalang mga employer.

Ibalanse rin ito upang hindi madehado ang mga negos­yante lalo na ang mga maliliit na kompanya upang parehong makapagbigay ng kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.