Masaklap na kamatayan

Palaisipan sa pulisya kung suicide o may foul play sa nangyaring pagkamatay ng isang electrician na natagpuang naka­bigti sa kanyang bahay sa Marikina City kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Wally Dizon, 29 na wala ng buhay na natagpuan habang naka­bigti gamit ang isang alambre na itinali sa kanyang leeg at ang kabilang dulo ay ipinulupot sa kisame sa parteng kusina ng kanyang bahay sa 29 Ilang-Ilang St., Barangay Malanday ng nabatid na lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-otso ng umaga nang madiskubreng patay ang biktima ng kanyang inang si Purita Dizon.

Nagulat na lang umano si Purita pagtungo sa haybol ng anak nang makitang patay na ito at nakabigti ang leeg kaya’t kaagad niyang ipinarating ang insidente sa pulisya.

Ang bangkay ng biktima ay isasailalim sa awtopsiya upang mabatid kung nagpakamatay ito o may pumatay dito.