Marami ang nakikisimpatiya ngayon sa mga miyembro ng Angkas dahil sa hindi inaasahang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ang bilang ng mga maaaring pumasada sa mga panguna­hing lansangan sa Metro Manila.

Ito ang kundisyon ng LTFRB sa grupo kapalit nang pagpayag na makapagpatuloy sa kanilang operasyon.

Mula sa bilang na 27,000 ay nais ng nabanggit na ahensiya na 10,000 lamang na mga biker ang papayagang bumiyahe.

Isa ako sa mga nalungkot sa desisyong ito ng LTFRB dahil tiyak na maraming pamilya ang magugutom kapag tuluyang ipinatupad ang pagbabawas sa mga biker na papasada sa Metro Manila.

Kung tutuusin, ma­la­king ginhawa sa mga commuter ang paggamit ng Angkas dahil napapadali ang kanilang biyahe at hindi na gaanong nakakaranas ng kunsimisyon sa traffic.

Sa pagkakaalam ko, dumaan sa seminar at training ang mga Angkas biker bago sumabak sa pamamasada kaya naman maayos na naihahatid ang kanilang mga pasahero.

Hindi nga ba’t isa sa mga hangarin ng Duterte administration ay makapagbigay ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino, kaya nakapagtatakang pagdiskitahan ang isang maliit na sektor na ang hangad ay makapaghanapbuhay ng marangal para mabuhay ang kanilang pamilya.

Kung mayroon mang matatawag na pasaway sa mga ito ay siguro ang pagsingit-singit lang sa mga nagsisiksikang sasakyan pero maliban diyan ay wala namang napapaulat na naging basagulero sila o luma­laban sa kalsada.

Hindi kaya may nag­la-lobby sa ahensiya para maalis ang Angkas dahil naaapektuhan ang kanilang negosyo?

Minsan nakakuwentuhan ko ang isang taxi driver habang sakay ng kanyang taxi at nagre­reklamo dahil natatalo na sila ng Angkas, hindi lang sa kita kundi sa pasahero.

Hindi nakapagtata­kang talunin sila ng Angkas dahil namimili sila ng pasahero at na­ngongontrata pa, at sa mga panahong ganito na holiday season ay isnabero ang karamihan sa mga taxi driver.

Wala akong ibang maisip na dahilan para pagdiskitahan ang mga Angkas biker kundi ­dahil sa kumpetisyon.

Bakit hindi ang mga kolorum na bus sa EDSA at mga pasa­way na pampublikong sasakyan ang tutukan dahil sila ang nagpapasikip at nagbibigay ng sakit ng ulo sa mga motorista?

Ang kailangan la­mang siguro ay mag­laan ang gobyerno ng sariling lane sa mga kalsada para sa mga nakamotorsiklo para maayos ang sistema at makapaghanapbuhay ang mga ito gaya ng ibang mga sektor na nagtatrabaho at nagsisikap para sa kanilang pamilya.

Umiikot ngayon sa social media ang #SaveAngkas para ­hingin ang suporta ng mga netizen na huwag silang mabawasan ng biker at maging ang isang senador ay nagulat din sa naging desisyon ng LTFRB.

Kung may mga dapat alisin sa lansangan ay ang mga bulok na PUJ, at mga pampasaherong bus na hanggang ­ngayon ay patuloy na nagbubuga ng maitim na usok sa kalsada.

Hanggang ngayon ay mayroon pa ring smoke belcher na mga sasak­yan sa EDSA pero bakit tila bulag ang mga transportation official dito?

Unahin muna ang mga dating problema mga ginoo sa gobyerno, sa halip na ‘yung mga napapansin n’yo lang ngayon ang pagtuunan at pagdiskitahan.

Timbangin rin sa inyong puso at konsensiya kung makatwiran ba ito para sa pamilya ng mahigit 17,000 biker kapag ipinatupad ang pagbabawas sa mga ito, dahil mas gusto ng Presidente ang mga Pilipinong nagsisikap at naghahanapbuhay ng marangal kaysa magnakaw at maging sakit ng ulo ng lipunan.