Itong nakalipas na mga araw, talaga namang naramdaman natin ang himagsik ng Covid-19, o nauna nang nalaman bilang corona virus. Halos buong bansa, mula Luzon hanggang Mindanao ay nailagay sa tinatawag na community quarantine kung saan nililimitahan ang galaw ng mamayan. Alerto ang lahat at pinapayuhang manatili na lamang sa kani-kanilang mga tahanan.
Ito ang isang pamamaraan na malimitahan ang kilos at galaw ng mga tao nang maiwasan ang pagkalat ng napakanakakahawang virus na ito. Sigurado ako na napakadami na ang inyong nabasa at nadinig tungkol dito at sigurado din ako na nababasa ninyo din na wala pang nadidiskubreng gamot o bakuna para sa bagong sakit na ito. Kaya naman sa ngayon, iisa lamang ang pinapayo ng mga health authorities – ang bumalik sa mga pangunahing kaalaman, ang kumain ng wasto, uminom ng maraming tubig, palakasin ang sarili, panatiliing malinis ang sarili at kapaligiran, at magpahinga.
Ngunit kahit nakatutok ang lahat sa Covid-19, nandiyan pa din ang mga pangkaraniwang sakit na maaaring dumapo sa atin. Tuloy tuloy pa din ang panganib ng iba’t ibang karamdaman, mapa impeksyon, metabolic (gaya ng diabetes), kanser, karamdaman mula sa puso, utak, baga, atay at bato, at ang kadalasang nakikita ng inyong lingkod, ang mga aksidente.
Dati-rati, paulit ulit nating sinasabi na kung may nararamdaman ay magpatingin sa inyong mga doktor. Ngunit dahil sa kasalukuyang sitwasyon at pangyayari, kailangan nating iwasan na magkahawa-hawa, at ayaw din nating magkaubusan ang mga medical resources katulad ng mga gamit sa ospital, hospital rooms at maging mga doktor at nurse. Ito ay sa kadahilanang hindi din sila ligtas sa Covid-19. Kung kaya naman sa panahon ngayon, mas ipinapayo natin na kung tayo ay may nararamdaman, tumawag muna sa inyong mga doktor. Sa mga regular na check-up lamang o follow-up, maaaring ipagpaliban muna ang dalaw. Kung talagang matindi ang nararamdaman, ipagpaalam din nang sa klinika kayo tingnan. Para maiwasan ang pagpunta sa Emergency Room.
At dahil sa mananatili tayo sa ating mga tahanan, pakiusap lang na huwag maging masyadong masinop at bigla magtrabaho nang hindi naman dating gawain, dahil kadalasan dito nangyayari ang aksidente. Itong mga panahong ito ay talagang mahirap magkasakit at maaksidente.
Sa mga magpapatingin naman, huwag po kayong magsinungaling sa mga sagot ninyo ng mga kinauukulan, lalong lalo na sa inyong mga doktor. Ito ay napakaimportante para hindi tayo maging sanhi ng pagkalat ng virus na ito.
Lahat tayo ay apektado, buong mundo ay gumagawa ng kani-kanilang mga kinakailangan upang matigil ang Covid-19. Gawin din natin ang ating kontribusyon. Mag-ingat ang lahat.
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.