Apat na araw na lang at Pasko na.
Muling ipagdiriwang ng mga Katoliko sa buong daigdig ang kaarawan ng Panginoong Hesus.
Ito ang pinakamasayang araw para sa mga Katoliko at inaabangang araw ng mga bata dahil susugurin na naman nila ang kanilang mga Ninong at Ninang para sa hinihintay nilang Christmas gift.
Masaya talaga ang araw na ito. Pinaka-espesyal na araw kasi ito sa buong taon.
Tunay na masaya at maligaya ang araw na ito para sa mga taong may kakayahan na gumastos para mapasaya ang kanilang mga mahal sa buhay.
Para naman sa ilan, sapat na ang magkakapiling sila sa kanilang tahanan at nagsasalo sa nakayanan nilang handa kahit na walang bagong damit o sapatos.
Pero paano na kaya ang walang mga sariling bahay na sa kalsada magpapalipas ng Pasko?
Ang tanging konswelo nila ay magkakasama pa rin silang mag-pamilya kahit walang bubong na magbibigay ng proteksyon sa kanila laban sa lamig tuwing sasapit ang gabi at init sa pagtirik ng araw sa katanghaliang-tapat.
Ang tanong nga nila, abot kaya ba ang pabahay sa ating bansa na kahit sila ay magkakaroon ng pagkakataong makapag-ari nito?
Marami sa ating mga Pilipino ang nangangarap na magkaroon ng sariling bahay. Kaya nga lamang, ang pangarap na ito ay tila masyadong matayog para sa ilan.
Kasi nga, patuloy kasing tumataas ang presyo ng lupa at pabahay sa ating bansa.
Sa Metro Manila lamang, tinatayang 25% ng mga residente ay mga informal settlers, o sa salitang kalye, mga squatters.
Habang lumilipas ang panahon, lalo pang tumataas ang presyo ng lupa at pati na rin ang renta ng bahay.
Sabi ng maraming informal settlers, hindi nagiging praktikal ang mga resettlement plans at sites ng pamahalaan dahil malayo ito sa trabaho.
Pero wala silang choice kundi bumalik dahil gutom lamang ang inaabot nila doon. Para makarating sa trabaho, gagastos pa sila ng mas malaki, kaya tila walang kwenta rin ang kanilang paglipat. May bahay nga sila, wala namang laman ang kanilang mga sikmura.
Kay hirap ng transportasyon, malalayo ang mga paaralan.
Ang tubig o sanitasyon ay kulang din, pati ang kuryente.
Talaga namang mahirap magbayad ng serbisyong ito kung laging walang pera.
Pero huwag po kayong mag-alala, patuloy po nating isinusulong ang mga isyung ito para maresolbahan ng ating gobyerno.
Mapagtiis po tayong mga Pinoy.
Isa po yan sa mga hinahangaang ugali natin. Magkakaroon din po ng katuparan ang inyong mga pangarpap….
Muli, maligayang Pasko po. Gawin po natin itong isang makabuluhang okasyon na puno ng pagmamahal para sa bawat isa.