Masaya sa Tanza

julius-segovia

Isang linggong nagsaya ang mga taga-Tanza sa Cavite para sa ika-105 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan. Ginugunita ito tuwing hu­ling linggo ng Pebrero. Papatak kasi na February 28 ang mismong ‘Araw ng Tanza.’

Nakaukit na sa kasaysayan ng bansa ang bayan na aking kinalakihan. Dito nanumpa ang Unang Pangulo ng Republika na si Emilio Aguinaldo. Kasama siyempre ito sa mga ibinida sa taunang parada.

Ito rin ang hometown ni Felipe Calderon na siyang nag-draft ng kauna-unahang Philippine Constitution.

Tampok din sa parada ang ilang kilalang persona­lidad. Sa bayang ito nagmula ang magkapatid na basketbolistang sina Yancy at Ranidel de Ocampo, artistang si Louise delos Reyes at ang the Voice Kids Grand Champion na si Lyca Gairanod.

Dito rin sa Tanza nagmula ang kilalang comics artist na si Mars Ravelo. Naging tanyag si Ravelo sa mga creations niya gaya ng Darna, Dyesebel, at Captain Barbell.

Hindi rin nawala sa parada ang mga ipinagmamalaking pagkain sa Tanza gaya ng pancit estacion at ang biscuit na kung tawagi’y Sopas de Tanza. Makailang beses na ring na-feature sa TV ang mga ito.

Bukod sa parada na talaga namang inabangan ng marami, nagpatingkad pa sa seleb­rasyon ang concert na pina­ngunahan ng bandang Parokya ni Edgar. Dahil timeless ang mga pinasikat na kanta ng grupo, jampacked ang venue. Mapabata man o matanda, enjoy na enjoy sa panunuod.

Tumugtog din sa concert ang bandang Moonflowers na ang mga miyembro’y tubong Tanza rin.

Bahagi rin ng week-long awards, kung saan kinilala at binigyang parangal ang mga nakapasa sa licensure exami­nations mula sa iba’t ibang field. Pinangunahan ito ni Tanza Mayor Yuri A. Pacumio at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.

Para sa mga naghahanap ng trabaho, nagkaroon din ng job fair ang municipal go­vernment.

Bawat bayan o lugar, may kanya-kanyang selebrasyon sa paggunita ng founding year nito. Ang sa akin lang, ugaliin nating makibahagi sa mga aktibidad ng taunang pagdiriwang. Sa ganitong paraan, iniingatan natin ang yaman ng nakaraan.