Masaya si Cayeteno

Benjie Alejandro

Sa balitang pagbisita ni POTUS, isa sa pinakamasaya ay si Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano, kung padamihan lamang ng ‘picture’ ang pag-uusapan — at baka may ‘selfie’ pa.

Ikaw na ang maging Chief Diplomat ng Pilipinas.

Pero lalong masaya si Cayetano dahil nalagay sa ‘inside page’ o kung hindi man ay natabunan ang balita sa pagpalag ng tatlumpu’t siyam na miyembro ng United Nations (UN) sa ‘war on drugs” ng gobyernong Duterte.

Sa ‘joint statement’ na inilabas ng Iceland, nanawagan ang UN sa Pilipinas na imbestigahan ang mga patayan at protektahan ang karapatang-pantao ng mga mamamayan.

Iginiit din sa Pilipinas na makipagtulungan sa ‘international community’ sa pagdaraos ng imbestigasyon sa mga patayan alinsunod sa ‘universal principles of democratic accountability at rule of law’.

Tiyak may magandang sagot ang ‘Foreign Affairs’ sa ipinalabas na joint statement sa katatapos na pulong sa New York ng 39 sa 40 bansa na kasapi ng United Nations Human Rights Council.

Tanging ang China lamang ang hindi lumagda.

***

Kumpirmado na, bibisita sa Pilipinas si US President Donald Trump sa susunod na buwan ng Nobyembre kasama ang kanyang First Lady na si Melania Trump.

Ayon sa Malacanang ‘excited’ si Pangulong Duterte sa pagbisitang ito ni Trump na kabilang sa mga head of states na dadalo sa pulong ng East Asia Summit na magaganap sa ikalawang linggo ng Nobyembre.

Sino ba naman ang hindi magiging ‘excited,’ ikaw na ang bisitahin ng pinakamatikas na lider sa buong mundo.

Sa kultura ng mga Pinoy, kapag naging bisita mo ang pinakasikat na tao, ‘sikat’ na rin ang dating mo.

Sa totoo lang maraming pulitiko ang magkukumahog na magpa-picture kay Trump, para sa kanila, ‘pogi points’ ito, lalo na kung may eleksiyon.

At kung si POTUS ay pupunta sa Malacañang, asahan na natin ang mangyayari, babahain ito ng mga ‘well-wisher’.

***

Teka muna, sa anumang ‘ Presidential Visit’ isa sa mga protocol, kung tama, ay mayroong palitan ng regalo — pasalubong at pauwi, ‘ika nga ng mga Kabitenyo.

Ano kaya ang pasalubong ni POTUS, ‘Balanggiga bells’?

Ano kaya ang ipauuwi ni PDu30?

***

Laban sa ‘fake news’.

Maging ang Santo Papa na si Pope Francis hindi na nakatiis sa paglaganap ng ‘fake news’ sa social media.

Sa Twitter account ng kanyang Kabunyian, inihayag ni Pope Francis ang pagkabahala sa ‘fake news’ at isinulong ang ‘peryodismo para sa kapayapaan’ o ‘journalism for peace,’ bilang tema sa isasagawang World Communications Day 2018.

Mataimtim na panalangin ang kailangan sa panahong ito — ano man ang relihiyong kinabibilangan natin — para magkaroon ng kapayapaan ang buong mundo, ayon sa Santo Papa.

***

Sa Pingpongers tulad ko, Congratulations Josephine ‘Jo’ Medina, gold medalist sa katatapos na 9th ASEAN Para Table Tennis Finals na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Likewise, Pablo Catalan at Benedict Gaella — mga bronze medalist…

Fight … Fight … Fight…