Masayang buhay

payong-kapatid-box kuya rom

Dear Kuya Rom,

Tawagin mo na lang akong Pat. Ako ay 18, nasa college, seryoso sa pag-aaral, at gustong makapag­tapos para maging masaya ang mga magulang ko.

May dalawa akong kaibigang tawagin na lang ­nating Abby at Belen. Si Abby ay naghamon. Ako at si Belen ay hinamon niyang maging close sa ­dala­wang lalaking tawagin nating sina Cris at Danny. Tinanggap namin ang hamon, parang katuwaan lang. Ang crush ko ay si Cris, at ang crush ni Belen ay si Danny.

Kaso, ang crush kong si Cris na malapit sa akin ay crush din ni Abby, at naiinis siya sa akin dahil dito. Nagpalit siya ng crush, at pinili niya si Danny. Pero nalaman kong si Danny ay walang crush sa kahit kanino sa aming tatlo.

Best friend ko si Abby. Nagulat na lang ako nang malaman kong ang best friend niya talaga ay si ­Belen, hindi ako. Tapos, may tsismis na ­naririnig akong walang crush sa akin si Cris. Nasaktan ako.

Gusto kong masaya ang buhay ko, may mga kaibigan at may nagmamahal sa akin. Hindi ganito. Bakit ako nawalan ng best friend at parang nag-iisa ako sa mundo? — Pat

Dear Pat,

Ang buhay ng teen-ager ay talagang masaya na para ikaw ay nasa langit kung ­maganda ­lahat ang nangyayari, pero sobrang lungkot at parang tinakluban ka ng langit at lupa kung masama ang nangyayari. Ito ay dahil lahat ng mga pangyayari sa buhay mo ngayon ay bago sa iyo, at ang lahat ng ito ay posibleng magbago sa isang iglap, mga pagba­bagong nakakasakit ng damdamin.

Sadyang masaya ang karanasang may crush ka, pero ito ay nawawala rin. Sabi mo nga, katuwaan ­lamang. Tulad ng ibang bagay sa mundo, ang ­katuwaan ay lumilipas. Kung ito ay nauwi sa hindi maganda, maiging kalimutan mo na.

Pat, huwag kang mag-alala, sapagkat bata ka pa, at marami ka pang pagkakataon na maging masaya at maligaya, lalo na kung itutuon mo ang iyong ­sarili sa paggawa ng mga bagay na makakatulong sa iyo upang maabot mo ang katuparan ng iyong pangarap. Narito ang payo ko para sa iyo:

Ang tsismis ay hindi mapagkakatiwalaan. Kung si Cris ay malapit sa iyo, gusto ka niya. Kaibiganin mo siya.

Ang kaibigang selosa at naiinis sa iyo tulad ni Abby ay nakakaawa. Huwag kang magkaroon ng sama ng loob sa kanya. Sa halip, kaawaan mo siya, sapagkat nagha­hanap siya ng pansin. Ang mga tao sa paligid mo ay ­posibleng sinusubukan ka lamang, maiging obserbahan mo sila. Kung sa tingin mo ay tapat sila sa pakikipagkaibigan, bigyan mo sila ng pangalawang pagkakataon.

Ang masayang buhay ay positibo at hindi nagpa­padala sa negatibong sinasabi ng iba. Gumaganda ka kung ikaw ay may tiwala sa iyong sarili. Ilagay mo sa kamay ng Dios ang kaligayahan mo. Manalig kang alam Niya ang pinakamabuti sa iyo. Ang mati­bay na pananalig sa Dios ay pundasyon ng masaya at mata­gumpay na buhay. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom