Masbate jailbreak: 3 preso patay sa ratratan

Patay ang tatlo sa apat na presong tumakas sa kanilang kulungan sa Masbate Provincial Jail sa bayan ng Milagros matapos ang mga itong makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng manhunt operation para maibalik sila sa kulungan ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ang mga nasawing tumakas na preso na sina JoseJeven Fuentes, 30, ng Barangay Calasuche, Aroroy, Masbate, may kasong six counts of rape; Bryan Gracio Basulgan, 22, ng Barangay Cabas-an, Aroroy, Masbate, may kasong illegal drugs at illegal possession of firearms; at Richard Alabante Espayos, 37, ng Barangay Cayabon, Aroroy, Masbate, may kasong six counts ng rape.

Samantala, si Homer Oliva Aganan naman na 26-anyos, taga-Barangay Maingaran, Masbate City, may kasong robbery with homicide, rape at illegal possession of firearms ay nakatakas at patuloy ngayong pinaghahanap ng pulisya.

Napagalaman na natiyemphan ng mga tauhan ng Milagros Municipal Police Station (MPS) ang mga suspek dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa Barangay Bonbon.

Imbes na sumuko ng mapayapa ay pinili pang manlaban ng mga suspek na ikinamatay ng tatlo.

Nakuha sa mga nasawi ang isang 12 gauge homemade shotgun at mga bala. (Edwin Balasa)