Sa ikalawang pagkakataon ay isinapubliko ng gobyerno ang pagdurog sa mga smuggled luxury car gamit ang bulldozer at backhoe, sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) sa Port Irene, Sta. Ana, Cagayan.

Personal na sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdurog sa 14 na mga mamaha­ling sasakyan na nagkakahalaga ng P27 milyon.

Kabilang sa mga dinurog ay Maserati Quattro Porte, Porsche 911 GT3, BMW Alpina B12, BMW Z1, Opel Manta, Renault R5 at walong unit ng Mercedez Benz.

Mayroon pang nakalinyang 841 na mga sasakyang sisirain na bahagi ng mga puslit na kontrabando sa CEZA sa sandaling matapos ang pagrepaso sa dokumento ng mga ito.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na dapat magsilbing leksiyon sa mga smuggler ang pagdurog sa mga sasak­yan dahil hindi uubra sa kanyang administrasyon ang kalokohan ng mga sindikato.

“This condemnation of the smuggled vehicles demonstrates our firm stand to put an end to the long standing societal disease that has surrounded public task and tainted the government’s sincerity to deliver equi­table social services,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na may katapat na parusa ang mga iligal na gawain sa administrasyon at tinitiyak nito na bawat ahensiya ng gobyerno ay magiging libre sa korapsiyon sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Ang mga winasak na sasakyan sa CEZA ay ipinuslit mula sa Japan at Korea noon pang 2014 at hindi na tinubos ng mga indibidwal at kompanyang nagpasok sa bansa.