Masikip na trapiko sa NLEX, EDSA, Makati dahil sa mga road repair

Inabisuhan kahapon ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) ang mga motorista na makakaranas sila ng matinding trapik simula ngayong araw ng Linggo dahil isa­sara ang ilang daan bunsod ng road repairs sa North Luzon Expressway (NLEX), sa ilang lugar sa Quezon City, EDSA at ­Makati City.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, magsasagawa ngayon ng road repair sa portion ng Balintawak Cloverleaf kahabaan ng A. Bonifacio Avenue Road sa perennial flooding.

Sinabi ni Garcia, isa­sara ng alas-11:00 ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw ang Balintawak Cloverleaf EDSA-Southbound dahil kukumpunihin ito na matatapos nang 70 hanggang 80 araw.

Bukas naman (Lunes), sabi ni Garcia na apektado rin ang mga taga-Quezon City sa mabigat na daloy ng trapiko dahil sa construction ng Metro Rail Transit-7 (MRT-7) sa North Avenue hanggang Mindanao Avenue.

Sa EDSA, isasara naman ang kanan ng innermost southbound lane (EDSA-Shaw malapit sa Starmall) dahil sa pipeline repairs ng Manila Water na sisimulan sa Hulyo 7 at ang total closure nito ay sa Hulyo 14 kung saan ang repair ay aabot ng 3 buwan. Ngunit sabi ng na­turang water company na susubukan nila itong matapos nang 1 buwan.

Sa Makati City naman, isasailalim sa rehabilitasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Buendia Bridge na matatagpuan bago mag-Taft Avenue papuntang Roxas Boulevard.

Ang rehabilitasyon ay uumpisahan sa susunod na linggo dahil kinakitaan ito ng mara­ming sira.

Hinihintay na lamang ng DPWH ang trapik clearance mula sa MMDA para maum­pisahan na ang proyekto.