MASKARADO TWIN MURDER

gun-masked

Dalawang kalalakihan na sangkot umano sa iligal na droga ang walang awang pinatay ng hindi pa nakikilalang grupo ng mga suspek na pawang mga maskarado at hinihinalang mga vigilante sa Las Piñas at Pasay City kamakalawa ng gabi at kahapon ng hatinggabi.

Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Las Piñas City Police, posibleng pinatay sa sakal ang bangkay ng hindi kilalang lalaki na tinatayang nasa edad 25 hanggang 30, slim built, 5’6” ang taas, nakasuot ng kulay itim na jacket at maong jeans.

Sa inisyal na pagsisi­yasat ng Las Piñas City Police, dakong alas-11:40 kamakalawa ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng ­lalaki sa bakanteng lote ng Metrocor Village, Brgy. Almanza Uno ng lungsod ng naka-duty na guwardyang si Melchor Malanat at na-recover sa bulsa ng pinatay ang isang plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.

Sa Pasay City, namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Rodolfo Ramis, Jr., 47, dahil sa anim na tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon sa Pasay City Police, alas-12:20 kahapon ng hatinggabi nang pagbabarilin si Ramis, Jr. ng dalawang kalalakihang naka-motorsiklo at naka-maskara sa kahabaan ng ­Buendia Avenue ng naturang lungsod. Sa tindi ng mga tama ay agaran itong namatay.

Sa record ng pulisya, nasa kanilang “drug watch list” si Ramis, Jr. Kaya posible umanong may kinalaman sa droga ang pagpatay sa biktima ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung mayroong ­nakalagay na close-circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng insi­dente at kung nahagip ang ginawang pamamaril sa biktima upang makilala ang mga salarin.

Samantala, ang mga labi ng dalawang biktima ay nasa Rizal Fune­ral Homes upang isailalim sa awtopsiya.