ZAMBOANGA CITY — Isang maskaradong lalaki ang binigyan ng P1 milyong pabuya ng militar matapos na umano’y itimbre sa mga tropa ang kinalalagyan ni Abu Sayyaf leader Alhabsi Misaya na napatay sa bayan ng Parang sa Sulu province noong nakaraang linggo lamang.

Sinabi pa ng militar na ang reward ay galing umano sa mga sibilyan sa Sulu, ngunit hindi naman ito pinangalanan mali­ban lamang sa natutuwa raw sila sa pagkakapatay kay Misaya sa Barangay Silangkan. Iginiit ng Western Mindanao Command na mga sundalo ang nakapatay kay Misaya na dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Ngunit ayon sa mga ulat sa Sulu ay pinaslang si Misaya ng sarili nitong tauhan dahil sa onsehan sa ransom at ang iba pang balita ay mismong mi­yembro ng MNLF ang tumira rito dahil sa matagal nang atraso. Matapos na mapatay si Misaya ay tinawagan umano ng tumira sa kanya ang militar at ipinasa ang bangkay sa mga sundalo kapalit ng pangakong reward.

Mismong si Lieutenant General Carlito Galvez, Jr., hepe ng Western Mindanao Command, ang personal na nag-abot ng salapi sa maskardong impormante kamakalawa lamang sa Zamboanga City, ngunit kahapon lamang ito ipinabatid sa media.

“A reward was voluntarily generated by concerned individuals from Sulu who were elated of the confirmation by the Joint Task Force Sulu of Misaya’s death,” ani Galvez.

“The group who requested that their identity be kept anonymous, wish to recognize the assistance extended by the informant to the Government troops as well as encourage other residents of Sulu to do the same,” dagdag pa nito.