Isa na namang buhay ang nalagas dahil sa aksidente sa elevator kung saan isang construction worker ang mistulang nilamon ng ‘killer elavator’ makaraang bumulusok ito mula sa ika-pitong palapag sa isang hotel sa Quezon City kahapon nang umaga.
Kinilala ni P/Lt. Col. Rodrigo B. Soriano, hepe ng Masambong Police Station (PS3) ang biktimang si Edwin Ternal, nasa hustong gulang, construction worker, nakatira sa Abra St., Brgy. Ramon Magsaysay, QC.
Si Ternal ay binawian ng buhay matapos isugod sa Quezon City General Hospital dahil sa pagkabasag ng bungo nito at pagkakalasog-lasog ng kanyang katawan.
Base sa report ni P/Lt. Col. Soriano, alas–8:30 ng umaga kahapon nang maganap ang trahedya sa 7th floor ng Park–Inn Hotel sa may SM North EDSA, Brgy. Pagasa, ng nasabing lungsod.
May dala pa umanong mineral water si Ternal at nang bumukas ang ginagawang elevator ay nahulog at bumulusok siya sa ika-2 palapag.
Dahil dito, agad isinugod sa naturang ospital ang biktima subalit makalipas ang 2-oras na pagkakaratay ay hindi na rin naisalba ang kanyang buhay.
Masusi pa ngayong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naganap na aksidente.