Mass testing dapat paigtingin

Kailangang paigtingin ng bansa ang kakayanan nitong mag-testing para sa COVID-19 at paubutin ito sa 18,000 hanggang 20,000 sa isang araw na araw para makapagdesisyon ang gobyerno ng mas maayos sa mga susunod na hakbang na gagawin.

“Ang mass testing ang magiging game changer. Ito ang nangyari sa South Korea at New Zealand. Maaga sila nag mass testing at hindi nila kinailangang mag-lockdown. Sa New Zealand, flat na flat na sila at magbubukas na sila uli,” sabi ni National COVID19 Task Force adviser Dr. Tony Leachon.

Sabi niya, mahalagang umabot ang testing sa 500,000 hanggang 1 milyon at kailangang real-time ang pagdating ng datos para mas angkop ang magiging mga desisyon.

Inirerekomenda ni Leachon na i-extend pa ang lockdown sa National Capital Region (NCR) hanggang May 15 dahil kailangan pa nang mas maraming testing para makita ang totoong sitwasyon at mahalagang real time ang mga datos.

“Aang NCR kasi ang epicenter ng COVID-19 sa bansa at 80% sa mga kasong itinala ay nasa NCR. Dumadami rin ang mga kaso ng COVID-19 sa Calabarzon at Central Luzon kaya’t kinakailangan pang patagalin ang quarantine,” sabi ni Leachon.

“Knowing what I know right now and seeing that I saw, dito ay modified quarantine dapat,” dagdag pa nito.

Bumagal ang pagproseso ng mga testing dahil sa nagkasakit ang mga tauhan sa Research Institute for Tropical Medicine na siyang sentro ng COVID-19 testing sa bansa ngunit nagbukas naman ang testing center ng Philippine National Red Cross kaya umaasa si Leachon na aabot ang testing sa 18,000 hanggang sa 20,000 sa isang araw.

Dagdag pa niya, may iba pang mga testing center na maaring saluhin muna pansamantala ang trabaho tulad ng San Lazaro, UP National Institute of Health, St. Luke’s sa BGC at sa Quezon City, Chinese General, Makati Medical Center, at Medical City. (Eileen Mencias)