Mass testing mahalaga pero hindi solusyon – Gatchalian

Bagama’t mahalaga ang mass testing bilang tugon ng gobyerno laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), hindi aniya ito ang `ultimate solution’ , ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

“Importante ang mass testing, pero hindi ‘yan ang solusyon. Marami kasi ang nakikita ko sa Twitter, sasabihin nila na mag-mass testing tayo, mass testing. Tama ‘yun pero hindi ito ang ultimate solution,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa dzBB.

“Ginagamit natin itong mass testing para malaman natin sino ang may sakit, sino pa ang mga nahawaan at ma-isolate itong mga may sakit at nahawaan,” dagdag pa nito.

Sabi ng senador na pinakamainam pa rin na solusyon ay hanapin ang mga taong nahawaan nito sa local level o sa mga komunidad pa lamang.

“Maniniwala na ang panlaban at pinakamabisang paglaban sa virus ay dapat mag-umpisa sa local level. Wag na nating paabutin ito sa ospital dahil kapag umabot ito sa ospital, at marami ang mga pasyente, hindi kakayanin ng ating mga ospital,” sabi ni Gatchalian.

“Dapat sa local pa lang, mapigilan na at huwag nang kumalat. Kaya ang posisyon ko dito sa mass testing, importante ang mass testing pero hindi yan ang solusyon.

Kapag nalaman na kung sino ang nagtataglay ng COVID-19 dapat aniyang i-isolate na ang mga ito para hindi na makahawa pa ng iba.

“Marami kasi ang nagsasabi na mass testing tayo, tama yun pero hindi yun ang ultimate solution. Ginagamit natin itong mass testing para malaman natin kung sino ang may sakit at sino pa ang nahawaan at ma-isolate itong mga may sakit at nahawaan,” paliwanag ng senador.

Pero kung magkaroon man ng mass testing, dapat aniyang bigyan ng prayodidad ang mga may sakit.

“Ang aking posisyon, mass testing pero unahin natin ang mga may sakit at ang kanilang household. Hindi lahat ng tao,” wika pa nito. (Dindo Matining)