Sisimulan na sa Martes ang mass testing sa may 8,700 katao na hinihinalang apektado ng coronavirus disease 2019(COVID19).

Sinabi ni Secretary Carlito Galvez Jr., chief implementer national policy vs.COVID19 na uunahin muna ng gobyerno ang Metro Manila.

“Dito po sa Manila, ang testing po naming ay gagawin namin this coming Tuesday. Gagamitin po namin ‘yung PCR (polymerase chain reaction) sa PUIs (persons under investigation) o suspected COVID cases at PUMs (persons under monitoring) o mga `probable’, ay kukunin na po namin so more than 8,700,”ayon kay Galvez.

Sinabi ni Galvez na ang RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ang ikinukunsidera nilang `gold standard’ sa COVID-19 testing at ginagamit ng mga accredited laboratories, hindi tulad ng mga rapid test kits.

Sa ilalim ng rules ng Department of Health (DOH) classification, ang mga RT-PCR tests lamang ang ikinukunsiderang confirmed COVID-19 cases.

Ayon kay Galvez magiging madali na ang testing dahil may kapasidad na ang bansa ng hanggang 8,000 test kada araw.

Importante umano ang mass mass testing bilang paghahanda sa posibleng selective enhanced community quarantine na ipatutupad pagkatapos ng lockdown sa Abril 30.

“Once na makuha na natin mga possible carriers medyo may kumpiyansa na tayong medyo magluwag ng konti. Kaya this coming Tuesday, napagkasunduan namin ng mga mayors kasama ang mga members ng RITM (Research Institute for Tropical Medicine) at testing laboratories magkakaroon na tayo ng mas masusi, mas expanded mass testing dito sa Manila,” dagdag pa ni Galvez.

Masyado umanong kritikal ang gagawin na mass testing dahil magiging basehan rin ito sa pag- alis ng ilang restrictions sa ECQ.

Tinataya umanong may 12,000-15,000 ang pinaghihinalaang may COVID19 sa bansa.

Nalaman na bumili ng 2 milyon rapid testings kit ang gobyerno bilang reserba sa sandaling tumaas pa ang bilang ng kaso.(Juliet de Loza-Cudia)