Mass testing ng mga preso hiniling

Umapela sa pamahalaan ang isang human rights group para magsagawa rin ng mass testing sa loob ng mga bilangguan kasunod na rin ng mga ulat na ilang preso ang tinamaan na rin ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 base sa ulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Sa isang pahayag ng grupong Kapatid, sinabi nito na noon pa man ay nagbabala na sila na hindi mapipigilan ng lockdown sa mga bilangguan ang pagkalat ng COVID-19.

“No prison is a closed environment when personnel have to come and go for work and the very communities surrounding prison camps already report suspected and confirmed cases,” sabi ng grupo.

Nais ng Kapatid na simulan na rin ang mass testing sa mga preso at mga jail personnel para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa mga bilangguan sa halip na ipagpilitang sabihin na `100% safe’ ang mga pasilidad na ito.

Nauna rito ay inihayag ng BuCor na isang 72-anyos na bilanggo sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City ang nagpositibo sa COVID-19.

Noong Biyernes ay nag-ulat naman ang BJMP na siyam na bilanggo at syam din na bureau personnel ang nagpositibo sa COVID-19 test.

Nangyari ang mga insidente ng COVID-19 infection sa kabila ng pagsuspinde ng BJMP sa pagbisita o dalaw sa 42 bilangguan nila sa National Capital Region.

Samantala, isang petisyon din ang inihain sa Supreme Court (SC) na humihiling na palayain ang 23 matatanda, sakitin, at buntis na mga political prisoner sa iba’t ibang bilangguan sa bansa dahil madali umanong dapuan ang mga ito ng COVID-19.

“To reiterate, petitioners herein are elderly and sickly, and with medical conditions that require continuous monitoring and treatment,” nakasaad sa petisyon.

Tungkol naman sa mga political prisoner, bagama’t kinasuhan umano ang mga ito ng common crimes, ang pagdakip, pagkulong at pagsasampa ng kaso laban sa kanila ay dahil sa paniniwalang political.

Sinabi pa sa petisyon na karamihan ng mga bilanggong ito ay mayroong sakit na katulad ng diabetes, hypertension at iba pang karamdaman habang isa ang tinamaan ng ketong at isa ang buntis.