KUALA LUMPUR — Nagposte si Kobe Paras ng best game niya sa Gilas Pilipinas jersey sa pagkayod ng 20 points, eight rebounds, four assists, seven steals, at four blocks nang idemolis kagabi ang Myanmar, 129-24, sa 29th Southeast Asian Games 2017 men’s basketball sa MABA Stadium dito.

Si Reymar Jose ang talagang namayagpag sa ­scoring sa Pilipinas sa kinamadang 22 points off-the-bench sa kasiyahan ng crowd na dominado ng OFWs.

Walang sawang pinalakpakan, tinilian sa cheering ng mga Pinoy fans ang Gilas, lalo na ng nakaapat na dakdak na si Paras tungo sa one-sided game tapos ­mahirapan noong Linggo sa Thailand bago kinubra ang 81-74 victory.

Umagapay si Troy Rosario ng 14 points, dumale si Mike Tolomia ng 13, nakaposte ulit ng double-double si Christian Standhardinger — 12 points at 11 rebounds — tungo sa 2-0 ng Pinoy cagers at pag-iisa sa tuktok ng Group B standings.

Lagpak sa 0-2 ang Burmese na pinangunahan ng 12 points ni Sai Phyo Kyaw.

Double-kill ang bansa dahil minasaker din ng Perlas Pilipinas ang Burmese, 123-33, sa women’s side para makabawi sa 78-68 defeat sa Indonesia noong Lunes. May 1-1 slate ang Filipinas.

Lumagare si Clare Castro ng 21 points, 12 rebounds at 4 blocks sa hanay ng Pinay dribblers. May 16 apiece sina Raiza Rose Dy at Cindy Resultay, naka-15 si Afril Bernardino at si Analyn Almazan ay may 14 rebounds.

Host Malaysians ang nakabara sa mga Pinoy at Thais naman sa mga Pinay mamaya.