Walang awang pinulbos ng Perlas Pilipinas ang Laos, 179-32, sa 9th SEABA Women’s Championship 2016 Day 2 kahapon sa Bukit Serendit Indoor Stadium sa Malacca, Malaysia.

Walong Nationals ang pumukol ng double digits­ sa scoring sa pagtrangka ng career-high 28 points ni Jack Animam at 18 markers ni Analyn Almazan. Humablot pa ng personal-best 17 rebounds si Animam, may 10 boards din si Almazan.

Ang iba pang nakisawsaw sa nakakangilon­g atake ng Filipinas ay sina Camille Sambile na lumagare ng 26 markers, Janine Pontejos na may 19, Allana Lim at Cindy Resultay na may tig-18 points, Afril Bernardino na may 16 at team skipper Raiza Dy na may 12.

Ang mabangis na pinakita ng Pinay quintet, ayon kay coach Patrick Aquino, ay paghahanda sa susunod na mga laban kontra Vietnam ngayong ala-sais ng gabi at Indonesia bukas ng alas-otso ng gabi rin.

“It’s a preparation for the next few games. It’s more of bringing the confidence level of the girls. It’s also a good time to rest the starting unit for the big games ahead while on the other hand, taking a conscious effort at looking at the quotient dahil baka magkaroon ng triple-tie, we’ll never know,” aniya.

Tampok sa masaker sa Laotians ang pamama­yagpag din ng mga Pinay sa rebounds 67-20, sa ­assists (36-8), steals (32-8) at blockshots (5-2) para sundan ang 69-43 pagdurog din sa Singapore nu’ng Lunes.

Tanging si Souktavanh Phanthalangsy ang bahagyang nakapag-alsa sa depensa ng Nationals sa pag-iskor ng 15-puntos. Nakatakda pang makaharap ng bansa ang Malaysia at Thailand.

One Response