MASSACRE SUSPECT MAS LIGTAS SA SELDA

carmelino-ibanez suspect

Tiniyak kahapon ni P/Chief Supt. Aaron N. Aquino, regional director ng Police Regional­ Office 3 (PRO3) ang ­seguridad ng nakakulong na suspek sa Bulacan massacre na si Carmelino Ibañez na pina­ngangambahang t­arget din ng vigilante group kahit nasa selda.

Ang pangamba ay kasunod ng paglikida sa dala­wa pang persons of interest (POIs) sa natu­rang kaso na kinabibila­ngan ng mismong bayaw­ ni Ibanez.

Ayon kay P/Chief Supt. Aquino, may direktiba siya kay P/Senior Supt.Romeo M. Caramat Jr., acting Bulacan police director at P/Supt.Fitz Macariola, chief of police ng San Jose del Monte City police station, upang doblehin ang seguridad ni Ibanez, 26, binata,construction worker ng Northridge Royal Subdivision, Barangay Sto.Cristo bunga ng pangambang itumba din ito kahit sa kulungan.

“Sinabi ko na ‘yan sa chief of police tsaka sa provincial director to ensure the safety of Ibanez kasi nasa loob ‘yan ng police station. To ensure the safety of Ibañes baka may mangyari,” ayon kay P/Chief Supt.Aquino na personal na kinakausap si P/Senior Supt.Caramat at P/Supt. Macariola para sa kaligtasan ni Ibanez alias Miling at sa development ng kaso.

Magugunitang pinatay ng hindi kilalang sala­rin sina Rolando Pacinos, alyas Inggo, na pinutulan ng daliri at ari; at si Roose­velt Surima naman ay pinagbabaril sa loob mismo ng bahay.

Inihayag naman ng isang pulis-Bulacan na mas ligtas si Ibanez sa kulungan kaysa nasa labas at pagala-gala dahil protektado siya ng pulisya at madiin ang direktiba ni P/Chief Supt.Aquino na ibigay ang karapat-dapat na seguridad dahil hindi inaalis na kumukuha lamang ng pagkakataon ang gumagawa ng extrajudicial killings.

“Mas safe si Ibanez sa selda kasi kung nasa labas siya baka madapuli sila ng vigilantes at maitumba lang siya,”ayon pa sa source.

Kahapon ay muli na namang nagbago ng pahayag si Ibanez at sinabi nitong wala siyang kina­laman sa krimen sa halip ay tinorture daw siya ng mga pulis kaya napilitan siyang umamin.

Hindi naman nagu­lat ang pulisya sa bagong kanta ni Ibanez at sinabing inaasahan na nila ito.
Wala rin umanong katotohanan na tinorture nila ito patunay ang medical result kung saan walang nakitang palatandaan na sinaktan ito bago nagbigay ng testimonya.