MASSACRE!

Hanggang sa 14-all deadlock lang pinasabay ng Star ang Phoenix bago humarurot sa biggest lead na 53 sa fourth at minasaker ng Hotshots ang Fuel Masters, 123-79, kagabi sa Mall of Asia Arena.

Sa first half ay may 15 points na si Paul Lee at tumapos ng team-high 18, tulad din ng produksyon ni Allein Maliksi, para sa Star.

Nilista ng Hotshots ang pangalawang sunod na panalo sa PBA Philippine Cup para akbayan sa 2-2 ang biktima kasama ng GlobalPort at San Miguel Beer.

“Right now maganda ‘yung tinatakbo namin nag-e-enjoy ‘yung mga players. Ang ganda nu’ng bench. Two losses kami sa SMB at Global pero very positive kami,” lahad ni Hotshots coach Chito Victolero. “I told my players this is a close game we have to have a proper mindset.”

Stepback jumper ni Mon Abundo ang nagputong sa Hotshots ng 119-66 lead, para kalsuhan na rin ang kambal na ragasa ng Fuel Masters na pinangunahan ng 16 markers ni Simon Enciso.

Dalawang bigatin ang sunod na makakasagupa ng Hotshots: Rain or Shine at Ginebra.

Balanse ang opensa ng Star, lahat ng tinapik ni Victolero ay pumuntos maliban kay Samboy De Leon.

Umayuda si PJ Simon ng 15 para sa Hotshots, may tig-11 pa sina Justin Melton, Jio Jalalon at Mark Barroca.

Pinangunahan ni Simon Enciso ang Phoenix sa kinamadang 16 points, pero galing ito sa 17 tira sa field.