The Master, kahanay na sina Rizal at Dan Brown

alex-calleja

BIDA na sa libro ang mga hirit ng stand-up comedian at manunulat na si Alex ‘The Master’ Calleja sa kanyang unang proyekto kasama ang ABS-CBN Publishing, ang Lakas Tawa.

Isa nang ganap na multimedia comedian si Alex sa kanyang unang libro matapos niyang itanghal ang kanyang jokes sa entablado dito at maging sa ibang bansa.

Tampok dito ang compilation ng jokes mula sa kanyang palabas na Lakas Tawa sa CineMo channel ng ABS-CBN TVplus pati na rin ang iba pa niyang pumatok na hirit.

Ayon sa Pinoy comedian na na­ging runner-up sa World’s Funniest Person competition ng Laugh Factory, “Handy ‘yung libro para kahit saan pwede mong dalhin, pwede kang matawa. Dahil kahit saan ka man pumunta, meron at merong nakakatawa.”

Ikinatutuwa ni Alex ang pagiging isang manunulat.

Sabi ng dating IT professional, “Ang sarap ng feeling na makita ang sarili mong jokes na nasa isang libro na. Pwede ko na ipagmalaki na published writer na rin ako tulad ni Jose Rizal, J.K. Rowling at Dan Brown.”

Kabilang na ang komedyante sa mga natatanging ABS-CBN Publishing authors gaya nina Alex Gonzaga, Georgina Wilson, Solenn Heussaff, Senyora Santibañez, Alex Gonzaga, Ramon Bautista, Vice Ganda, Charo Santos-Concio at ang namayapang si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Mabibili ang libro sa halagang P150 sa National Bookstore.

Matutunghayan din ng fans ni Alex ang kanyang jokes sa palabas niyang Lakas Tawa sa CineMo (ABS-CBN TVplus channel 3), araw-araw ng 10:55 AM, 4:55 PM at 10:55 PM.