Inaasahan na tatagal pa ang imbestigasyon ng Senate Committees on Justice at Blue Ribbon dahil habang tumatagal ang hearing, lalong dumarami ang nadidiskubreng mga katiwalian sa Bureau of Corrections (BuCor).
Plano rin ni Senator Richard Gordon, chairman ng dalawang komite na ipatawag si detained Senator Leila de Lima sa isyu ng good conduct time allowance (GCTA).
Sa ilalim ng panunungkulan ni De Lima bilang justice secretary pinagtibay ang implementing rules and regulations (IRR) ng GCTA Law na ngayon ay ugat ng corruption sa BuCor.
Kung sakali, magiging resource person si De Lima sa ongoing investigation kasunod ng puna ng ilang sektor na nalihis na ang takbo ng imbestigasyon sa halip papanagutin ang sinibak na si BuCor chief Nicanor Faeldon at iba pang mga tiwaling opisyal ng ahensiya.
Bago pumutok ang GCTA for sale, may resolusyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo Lacson na payagan na si De Lima na maka-attend sa sesyon at mga committee hearing sa pamamagitan ng teleconference.
Pero dahil sa kontrobersiya sa IRR ng GCTA Law, hindi malayo na magbalik nang personal sa Senado si De Lima pero ‘yun nga lang, bilang isa sa mga tatanungin sa ongoing investigation.
Sana lang hindi malihis ang takbo ng imbestigasyon at mapunta muli sa isyu ng political colors lalo na’t identified na dilawan si De Lima.
Ang kailangan ngayon ay mabilis na aksiyon para matigil na ang mga katiwalian sa BuCor, mahinto ang bentahan ng illegal drugs, bukod sa iba’t ibang pagkakaperahan at raket sa Bilibid.
Ang resulta ng Senate hearing ay magsisilbing basehan lang ng Executive department para sa ipatutupad na reporma sa lalong madaling panahon.
Kung hinihingan ng master plan ang Department of Transportation sa isyu ng traffic, anong master plan naman kaya ang binubuo ng Department of Justice para sa BuCor at sa pangkalahatang sitwasyon sa New Bilibid Prison (NBP)?
Bukod sa pagbawi sa libo-libong convicts na pinalaya sa bisa ng GCTA Law, hindi dapat kalimutan na mas marami sa kanila ang hanggang ngayon ay nakakulong sa Munti at nangangailangan ng rehabilitasyon.
Baka mas marami sa kanila na nakakulong sa Bilibid ang mga tunay na karapat-dapat na maka-avail ng GCTA Law.
Tulad ng master plan sa traffic, malaking hamon din ang master plan sa rehabilitasyon sa NBP.
Pero dapat unti-unti nang simulan ang decongestion ng Bilibid.
Sa plano ni Senate President Tito Sotto, kailangan ng batas para sa complete overhaul ng BuCor, palitan lahat ang mga namumuno at taasan ang suweldo ng mga jail guard para hindi sila natutukso sa suhol ng mga heinous crime convicts na sangkot sa operasyon ng illegal drugs.