Pagtutuunan ni Gilas Pilipinas basketball coach Joseller ‘Yeng” Guiao na maisaayos at mapino ang isasagawang mga taktika ng ginigiyahang koponan sa krusyal na sitwasyon at papatapos na yugto ng labanan na nagdulot dito ng magkasunod na kabiguan sa isinasagawang FIBA Asian Qualifying window para sa 2019 World Cup.

Sinabi ni Guiao na hindi katulad sa kanilang mga nakalabang koponan na kabisado ang sitwasyon partikular na sa krusyal na huling dalawang minuto, nais nitong maisagawa ng koponan na makapag-execute ng kanilang taktika na inamin nitong naging kakula­ngan sa nakalipas na laban kontra ­Kazakhstan at Iran.

“The last two games is a test on ourselves,” sabi ni Guiao. “Kung gusto natin na makapaglaro ulit sa World Cup ay kailangan natin ihanda ang lahat. We try to simulate game situations especially in the end game, na kung matandaan natin ay close game lamang ang laro pero hindi tayo nakapag-execute nang maayos.”

Nakatakdang makasagupa ng Pilipinas ang una nitong tinalo na Qatar sa Pebrero 21 sa Doha, Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall bago ito magtungo sa Pebrero 24 sa Astana, Republican Velodrome Saryarka para naman sa krusyal na salpukan nito kontra sa Kazakhstan.

Puwersado ang Pilipinas na ipanalo ang huling dalawang laro sa kinabibilangan nitong Group F upang mapaganda ang tsansa nito na maokupahan ang pinaglalabanang ikatlo at hu­ling puwesto na makakapagkuwalipika sa World Cup na gaganapin sa China.

Nakatakda namang magsagupa ang Japan at Iran sa isang pares at ang nangunguna sa Group F na Australia kontra sa nasa ikalimang puwesto na Kazakhstan sa Pebrero 21.

Maghaharap sa Pebrero 24, Linggo, ang Iran kontra Australia at ang Qatar kontra Japan.