May tinututukan nang person of interest sa malalimang pagsisiyasat ng Special Investigation Task Group (SITG) ng Bulacan PNP sa pagpatay sa dating Pandi vice mayor at kasama nitong incumbent barangay captain noong linggo nang hapon sa isang restaurant sa Brgy. Bulihan, Plaridel, Bulacan.
Tiniyak ni P/Col. Emma Libunao, acting director ng Bulacan PNP at pinuno ng itinatag na SITG “Vice Orcar and Kap Mauro” na mareresolba nila sa lalong madaling panahon ang double murder case at lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na land deal ang motibo sa krimen at walang anggulo na may kinalaman sa politika.
Bandang alas-12:55 nang tanghali noong linggo nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sina dating Pandi Vice Mayor Oscar Marquez, 56-anyos, ng Brgy. Manatal at Mauro Capistrano, 56, Barangay Captain ng Brgy. Bagbaguin, Pandi ng dalawang suspek na sakay ng itim na motorsiklo at mabilis na tumakas nang matiyak na napuruhan ang mga pakay.
Sa salaysay ng dalawang saksi, dumating ang dalawang biktima lulan ng Toyota Fortuner (NBU-767) sa Mang Celo Eatery sa Petron Bypass sakop ng Brgy. Bulihan, Plaridel upang makipagkita sa kliyente sa bentahan ng lupa. Habang nag-uusap ang mga biktima sa nipa hut, biglang dumating ang dalawang suspek. Bumaba ang angkas at binaril nang malapitan sa ulo at katawan si Capistrano. Nakatakbo si Marquez ngunit sinundan ito ng suspek at pinagbabaril din. Nakarekober ang Bulacan SOCO team ng 11 basyo ng bala ng caliber .45.
Agad nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya ngunit nakalusot pa rin ang mga suspek at isang Mr. Lee, na siyang tinututukan ngayon ng awtoridad dahil ito ang katipan ng mga biktima sa nasabing eatery base sa text messages sa cellphone ni dating Vice Mayor Marquez. (Jun Borlongan)