Tumpak ang headline sa gawing itaas. Tunay na pahirap sa lahat ang mataas na presyo ng langis. At dahil riyan, lahat nagtataasan lalo na ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Maging pamasahe ay apektado rin dahil kailangang habulin ang nabawas na kita ng mga tsuper sanhi ng mataas na presyo ng langis.
Maging ang pamasahe sa mga sasakyang panghimpapawid ay apektado rin kung kaya naririnig natin ang anunsiyo ng ilang airlines na magtataas din sila ng airfares.
Saan pa tayo dadamputin kung araw-araw na lang ay may oil price hike?
Mahigit na diumano sa 20x na nagtaas ng presyo ang pump price mula pagpasok ng 2018 at sa ngayo’y nasa P46 kada litro ang diesel sa ilang gas stations.
Kung ‘yan ang presyo ng diesel, alam na ng mga otaw na humigit kumulang ang presyo ng iba pang oil product.
Way back 2008, noong maglabas ako ng brand new Sportivo, nasa P51 kada litro ang presyo ng diesel ngunit dahan-dahan itong bumaba hanggang sa P25 kada litro at P20 pa nga kung ika’y nasa loob ng tax free zones gaya ng Subic at Clark.
Sa gitna ng hindi mapigilang pag-akyat ng presyo ng langis ngayon, marami ang nagsasabing dulot ito ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion) Law ng Du30 Admin kaya’t ang sigaw ng ilan ay nararapat diumano na suspendihin muna ito.
Pinabulaanan naman ito ng Malacañang na hindi ito ang dahilan, kundi ang presyo ng langis sa world market. Saganang akin, parehong may tama ang mga kontra-TRAIN Law at ang Du30 Admin sa isyung ito.
Sa simpleng paliwanag, may kinalaman ang TRAIN Law sa pagtaas ng mga bilihin. Tulad halimbawa ng mga produktong may asukal, gaya ng softdrinks, ay hanggang P12 ang naidagdag sa presyo nito.
Ang excise tax din sa mga brand-new car ay nagdulot din ng karampatang pagtaas sa mga unit price nito.
Paliwanag naman ng Du30 Admin, kailangan ang lahat ng mga ito upang matugunan ang Build, Build, Build masterplan nito, pati na sa iba pang serbisyo publiko.
Maging anupaman yan, tiyak na kasunod nito ang pag-alsa ng mga pamasahe sa jeep, sa bus sa mga transport network vehicle at iba pa. Pero kung tungkol sa presyo sa langis, ‘wag tayong bulag.
Walang may control sa oil price kundi ang OPEC tsaka ang Law of Supply and Demand.