Matagal pa ang giyera sa COVID-19

Muling pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at iba pang mga lalawigan na high-risk dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Tama lang ang ginawa ng ating pamahalaan. Expected na ito kung tutuusin dahil hindi pa talaga kayang tanggalin ang ECQ sa pangkalahatan sanhi ng tumataas pa rin ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sabi nga nila, hindi pa napa-flatten ang curve ng outbreak na ito kaya nararapat lang na i-extend pa ang ECQ partikular sa mga lugar na itinuturing na high-risk.

Sakto lang naman dahil pagkakataon na rin ito para maisagawa ang malawakang mass testing sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mga rehiyon o probinsiyang may mataas na kaso nito.

Sa ngayon kasi halos 3,000 pasyente lang kada araw ang nati-test. Target ng gobyerno na magsagawa ng 900,000 test sa susunod na mga linggo kaya medyo malayo pa sa target kung tutuusin.

Para maabot ang target, kailangan mga 21,000 kada araw ang isasailalim sa COVID-19 test.

Gayunpaman, sabi ng ilan, ‘we are winning the war’. Medyo kumbinsido ng konti ang ilan kasi nga naman kapansin-pansin na hindi naman libo ang kasong naitatala sa isang araw. Minsan 200 plus, minsan 100 plus lang. At wala pa akong matandaan na may naitalang 400 kaso o mas higit pa dito.

Ang mga recorded death naman ay hindi ganoon din karami. May pagkakataon pang dalawang magkasunod na araw na single digit lang ang bilang ng mga namatay sa COVID-19.

Ngayon, mas mataas na ang bilang ng mga nakarekober na 792 kumpara sa 494 na namatay. Medyo ok ito kumpara noong mga nagdaang mga linggo kung saan mas mataas ang bilang ng mga namatay kaysa nakarekober.

Nakatutuwa rin na maraming mga probinsiya na walang naitalang ni isang kaso ng COVID at mga low risk. Kaya naman nagdesisyon ang pamahalaan na isailalim sa general community quarantine ang mga ito.

Magandang balita ito dahil ilan sa ating mga kababayan ay magbabalik na sa negosyo lalo na iyong mga small at medium business. At least magkakaroon na ng income ang ating mga kababayan at hindi na aasa sa ayuda ng pamahalaan.

Siyempre sa mga susunod na linggo, hanggang sa matapos ang Mayo 15 kung saan magtatapos ang pangatlong ECQ, umaasa tayong lahat na bababa pa ang bilang ng kaso ng mga namatay at tumaas ang bilang ng mga nakarekober, at manalo sa giyera kontra COVID.

Walang makakapagsabi kung kailan maigugupo ang pandemiyang ito pero isa lang paniwala ko, nating lahat…mananalo at mananalo rin tayo sa giyerang ito nang sa gayon ay magbalik na sa normal ang lahat.