Matakot kayo sa COVID

Sa nagkalat na mga larawan sa social media sa ilang lugar sa Metro Manila kabilang ang pamosong Divisoria, mapapansin ang tila walang pakialam ng mga taong dumadayo rito sa mga ipinatutupad na social distancing.

Nagkalat at magkakatabi ang mga taong namimili sa Divisoria. Wala ring paki ang ilan na nagmomotorsiklo na may angkas, gayong mahigpit itong ipinagbabawal.

Ang sa atin lang naman, sana ay sumunod kayo sa mga social distancing at iba pang health protocol na ipinatutupad para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Mabuti sana kung kayo-kayo lang ang tatamaan pero papaano naman ang mga nakakasalamuha ninyo pagkagaling nyo sa mga matataong lugar.
Hindi na dapat tayo binabantayan ng mga awtoridad o kinauukulan kung sinusunod ba natin ang mga health protocols. Tayo na mismo ang magkusa na sumunod dahil kalusugan natin at ating pamilya ang nakasalalay.

***
Isa pang nakakakilabot na pangyayari na atin ding natunghayan nitong weekend ay ang pagdagsa ng tao sa UP para magprotesta dahil sa ilang mga hindi nila nagugustuhan sa palakad ng gobyerno.

Iginagalang natin ang kanilang mga saloobin.Karapatan nilang magprotesta pero hindi sa panahong ito kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering.

Sa napanood natin sa telebisyon at sa mga kumalat na larawan at video sa social media at ilang news site, kitang-kita ang dami ng mga taong nagsadya sa UP para makiisa sa Independence Day protest.

Nakakalungkot na hindi kinayang awatin ng COVID ang pagnanais ng ilan nating kababayan na ipahayag ang kanilang mga disgusto sa gobyerno kaya sumugod sila sa nasabing demonstrasyon.

Nangyari na ang lahat, ang panalangin na lamang natin ay wala sanang may COVID na dumayo sa lugar upang walang inosenteng kaanak o kakilala ang mahawahan ng virus.

***
Sa kabilang dako pag-usapan naman natin ang isinusulong na pagbubuwis sa mga online seller.

Maganda ito para ma-regulate ang pagnenegosyo online, lalo na sa mga malalakihang negosyante na talaga namang tiba-tiba dahil sa malaking kinikita sa kanilang mga ahente.

Ang pangamba ko lamang sa kautusang ito ng Department of Finance at Bureau of Internal Revenue ay baka naman ipatong ng mga negosyante sa kanilang mga suki ang mga ibabayad nilang buwis sa gobyerno, kaya sa bandang huli ay ang mga customer ang lalabas na kaawa-awa.