Matalik na kaibigan minartilyo sa ulo

blood hammer

Kritikal ang kalagayan ngayon ng isang 38-anyos na babae makaraang pukpukin ng martilyo sa ulo ng matalik niyang kaibigan sa Navotas kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Navotas Police deputy chief for operation Supt. Ferdinand Balgoa, bandang alas-3:30 ng hapon nang atakehin ng suspek na si Princess Joan Turla ang biktimang si Irene Palumar sa loob ng bahay nito sa Block 22, Phase II, Area 1 sa Brgy. North Bay Boulevard South.

Nagpapaligo ng kanyang anak na babae ang biktima nang dumating si Turla bitbit ang isang martilyo at bigla na lamang siyang pinagpupukpok sa ulo pati na sa iba pang parte ng katawan.

Kahit hilong-hilo na, nagawang makahingi ng saklolo ng biktima kaya mabilis siyang natulu­ngan at naisugod sa Tondo Medical Center. Inoobserbahan pa ngayon ang kalagayan ng biktima.

Binitbit naman si Turla ng mga kalugar ng biktima at dinala sa himpilan ng pulisya kung saan nang inimbestigahan ay sinabi nito na hindi niya alam kung bakit nagawa iyon sa matalik niyang kaibigan.

Nakakulong siya nga­yon at nahaharap sa kasong frustrated homicide. Pati­tingnan din siya sa espesya­lista sa utak para malaman ang kalagayan ng kanyang pag-iisip.