Ang pagkakaaresto sa isang senior citizen na dalaga ay patunay lamang na walang pinipiling edad ang nalululong sa paggamit ng iligal na droga.

Si Aniceta dela Cruz, 60-anyos, taga-No. 5 Bagong Lote, Malabon City ay nadakip ng mga pulis dakong alas-singko kamakalawa ng hapon.

Ayon sa Malabon Police Station, bago ang pagkakadakip sa suspek, nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga operatiba ng Police Community Precinct 2 sa pa­ngunguna nina PO1 Ryhan Masbang at PO1 Robert Armandigo sa kahabaan ng Bagong Lote, Malabon City.

May lumapit na concerned citizen sa dalawang pulis at inginuso ang suspek na umano’y may dalang shabu.
Kuwento pa ng nagsumbong, lulong sa paggamit ng iligal na droga si Dela Cruz.

Lumapit sina PO1 Masbang at PO1 Armandigo sa matandang babae at magalang namang kinapkapan kung saan nakuha sa bulsa nito ang 2 plastic sachet na may lamang shabu kaya idineretso ang huli sa presinto.